Abo ng patay, hindi totoong pampasuwete, gagamitin lang ni satan kaya masamang magtago ng souvenir
- Sr. Socrates Magnus II
- Jan 20, 2020
- 3 min read
Bigyang-daan natin ngayon ang email ni Mrs. Remedios C . Reyes.
Dear Señor, Noong namatay ang mahal kong asawa, binigyan ako ng abo niya ng nag-cremate sa kanya. Meron bang magandang kapalaran o mabuting kalusugan na naghihintay sa akin na maibibigay nito at maaari bang malaman kung ano ang maidudulot nito sa akin? Ang paglalagay ba ng tuyot na dahon ng laurel at kaunting asukal sa wallet ay meron ding magandang kabutihan o kapalaran na naghihintay sa akin? Sana po, mabigyan n’yo ako ng magandang kasagutan sa mga tanong ko sa inyo. Marami pong salamat.
Gumagalang, Remedios
Sa iyo, Remedios, Alam mo, iha, ang patay ay sagrado kaya nga bawal na ito ay gambalain o gisingin at sirain ang kanilang pananahimik. Dapat ay ma-maintain ang nabasa mo sa puntod na “Rest In Peace.” .
Kaya ang abo na ibinigay sa iyo ng nag-cremate ay ilagay mo sa isang box at sa isang lugar na kung saan ay tahimik na sa kanya ay walang mang-iistorbo.
Hindi man ito palaging naririnig sa Simbahan o mga pari, ito, hija, ay banal na utos mula mismo kay God kaya dapat lang na ating sundin na ang mga patay ay dapat ma-maintain ang nababasa natin sa mga puntod na “Rest In Peace”.
Sundin mo ang banal na utos at matutuwa sa 'yo si Lord. Huwag kang makinig o maniwala sa kung sinu-sino na sa totoo lang, mga wala naman silang alam sa mga banal na karunungan. Alam mo ba kung bakit bawal galawin o istorbohin ang mga patay, abo man ng patay o damit na ginamit sa paglilibing at iba pang bagay na kasama sa libing at ang anumang parts ng patay?
Ang dahilan ay gagamitin ni Satan ang kamangmangan ng tao para mapaniwala na ang namatay ay puwedeng magbigay ng kung anu-ano ang kailangan ng buhay.
Magugulat pa ang tao dahil ang kanyang hiling ay nagkatotoo pero ang katotohanan ay mismong si Satan ang nagbigay ng kanyang hiling at hindi ang patay na mahal sa buhay o kahit sinong patay.
Ganu’n sinasamantala ni Satan ang kamangmangan ng mga tao. Muli, bigyan mo ng katahimikan ang patay nang sa gayun ay matupad sa kanya ang “Rest In Peace!”
Ang dahon naman ng laurel ay totoong pampasuwerte , tuyo man o dry o sariwa, ito ay nagbibigay ng mga suwerte sa tao. Tama ka, ilagay mo sa wallet mo at susuwertehin ka.
Kahit hindi mo na lagyan ng asukal o sugar, ang laurel ay may sariling power kaya hindi na niya kailangan pa ang help ng sugar o ng kahit na ano.
Ibinabalita ko sa iyo na ang mismong sugar ay pampasuwerte, ilagay mo sa plastic o balutin mo sa plastic at itali mo sa baywang mo at makikita mo ang mga taong may masamang motibo sa 'yo ay kusang lalayo sa harapan mo.
Puwede ring gamitin ito sa wallet pero dapat isa lang, laurel lang o sugar lang dahil nasusulat sa Sagradong Aklat, bawal ang dalawa na kinikilalang panginoon, kaya makikita natin na ang taong napakaraming nakalagay sa braso na pampasuwerte ay hindi sinuwerte kasi naglalabanan ang mga power sa kanyang braso kaya nawala ang talab ng bawat isa kaya sa halip na suwertehin, baka nga malasin ka pa.
Kaya make a choice, laurel o sugar, mamili ka, hija, sa dalawang pampasuwerte na ilalagay mo sa wallet mo. Good luck!




Comments