Trabaho sa Taal survivors, mas oks na tulong kesa sa donasyon
Naranasan n’yo na bang tumuloy sa evacuation center?
Madalas kasunod ng sunog, bagyo o lindol ay ang paglikas naman sa mga apektadong pamilya. Kung hindi sa covered court, madalas ay sa mga eskuwelahan pinatutuloy ang mga evacuee.
Doon mas mabilis na nakatatanggap ng rasyon, lalo na ngayon na buhay na buhay ang bayanihan. Kaliwa’t kanan ang dating ng relief goods hindi lang mula sa gobyerno kundi maging sa taumbayan mismo.
Sa social media, makikita natin kung paano nabubuo ang iba’t ibang grupo na nagtutulung-tulong para makapag-donate, partikular sa biktima sa pagsabog ng Bulkang Taal. ‘Ika nga nila, umaapaw ang tulong para sa mga bakwit.
Gayunman, ang mga tulong na ito ay masasabi nating hindi pangmatagalan.
Puwedeng dumating ang pagkakataong wala na ring makapag-donate o sa ibang bagay naman kakailanganin ang pondo.
Kaya mainam na maging handa o ngayon pa lang ay simulan na ang pagdiskarte kung paano matutustusan ang ating mga pangangailangan habang hindi pa tuluyang nakababalik sa dating pamumuhay.
Tulad ng iniaalok ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa ahensiya, magbibigay sila ng internship jobs sa mga residenteng apektado ng pagsabog ng Taal. Sila umano ay magtatrabaho bilang volunteers sa coordination and rehabilitation efforts ng mga local government unit (LGU).
Ang mga volunteer ay tatanggap ng minimum wage na umiiral sa Batangas na nasa P400 kada araw.
Sa pamamagitan nito, kikita na ang mga biktima, makatutulong pa sa pagbangon mula sa kalamidad.
Nananawagan na rin tayo sa iba pang nangangailangan d’yan ng pansamantala o kahit regular na manggagawa, kunin na natin silang mga nasa evacuation center.
‘Ika nga, maraming uri ng pagtulong, depende sa pagkakataon. Gayunman, walang pinag-uusapang malaki o maliit, lahat ‘yan ay matatawag na tulong at biyaya para sa mga nangangailangan.





Comments