Mga residenteng nang-iwan ng alagang hayop nang pumutok ang Bulkang Taal, lusot!
- Ryan B. Sison
- Jan 19, 2020
- 2 min read

Matapos ang trahedya ng pagsabog ng Bulkang Taal na nagdulot ng matinding takot at hirap sa mga kababayan nating taga-Batangas at karatig-lugar, naging usapin ang tungkol sa mga naiwang alagang hayop sa panahon ng kanilang paglikas.
Ang senaryong ito ay kumalat sa social media at umani ng iba’t ibang reaksiyon kung saan marami ang humirit na hindi ito makatarungan dahil may buhay din sila.
Ang hirit pa ng ilan, dapat managot ang mga residente na nang-iwan o nag-abandona ng kanilang alagang hayop.
Samantala, ayon sa Section 7 ng Republic Act (RA) 10631 o ang The Animal Welfare Act of 1998, sinumang nagmamay-ari, may kontrol o nag-aaruga ng anumang hayop na walang makatwirang dahilan o excuse upang abandonahin, permanente man o panandalian at hindi pagbibigay ng tamang pangangalaga sa naturang hayop, ang gawaing ito ay tinatawag na maltreatment at may kaukulan itong kaparusahan sa batas. Multa at pagkakakulong ang maaaring kaharapin ng sinumang lalabag sa RA 10631.
Kaugnay nito, paliwanag ni Atty. Claire Castro, hindi dapat sisihin ang mga residenteng nang-iwan ng kanilang mga alagang hayop sa kasagsagan ng kalamidad.
Dagdag niya, hindi ito isang akto ng kalupitan o maltreatment sa mga hayop. Kailanman ay hindi makatarungan ang pagmamalupit o pagpapabaya sa mga alagang hayop pero iba naman ang sitwasyon sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Bagama’t, mahalaga ang buhay ng ating mga alagang hayop, kadalasang nalilimutan natin ito lalo na sa panahon ng kalamidad dahil hindi maitatanggi na ang unang papasok sa ating isipan ay isalba ang sarili at ating pamilya.
Sa totoo lang, hindi natin alam ang istorya sa likod ng mga kumalat na mga larawan sa social media.
Huwag tayong basta manghusga lalo na kung wala tayo sa mismong pangyayari. Sa mga ganitong pagkakataon, matuto tayong umunawa kaysa magturo at manisi ng iba.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments