Pagdalo sa mga trainings at seminars kaugnay ng trabaho, hindi kasama sa suweldo
- Persida Acosta
- Jan 18, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Ako ay clerk-typist sa isang pribadong kumpanya. Nagpatupad ang kumpanya ng voluntary training seminars na gaganapin na labas sa normal na oras ng aming trabaho.
Walang gagawing trabaho ang mga boluntaryong dadalo sa seminar pero basehan ang kanilang pagdalo sa posibilidad ng promotion. Nag-participate ako pero hindi naman ako na-promote.
Nais kong malaman kung maaari ko bang singilin ang aming kumpanya ng kaukulang sahod para sa mga araw na pumunta ako sa mga voluntary training seminars? - Roberto
Dear Roberto, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 6, Rule 1, Book 3, Omnibus Rules Implementing the Labor Code kung saan nakasaad ang sumusunod: “SECTION 6. Lectures, meetings, training programs. — Attendance at lectures, meetings, training programs, and other similar activities shall not be counted as working time if all of the following conditions are met: (a) Attendance is outside of the employee’s regular working hours; (b) Attendance is in fact voluntary; and (c) The employee does not perform any productive work during such attendance.”
Samakatwid, hindi ninyo maaaring singilin ng sahod ang inyong employer para sa inyong pagdalo sa mga training seminar sapagkat ang pagdalo sa mga ito ay labas sa inyong regular na oras ng trabaho; ang pagdalo sa mga ito ay boluntaryo lamang at hindi kayo produktibong nagtrabaho sa mga araw ng kaganapan ng training seminars na ito (Alcantara and Alcantara, Reviewer in Labor and Social Legislation, 2008 Ed., at 172).
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito.
Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments