Feeling pinaglalaruan daw ng ex-BF, in-unfriend sa socmed… Julia, nagselos kina Janella at Joshua
- Melba Llanera
- Jan 18, 2020
- 2 min read

Marami sa mga JoshLia fans ang nalungkot sa balitang in-unfollow ni Julia Barretto sina Joshua Garcia at Janella Salvador.
Huling nagkasama sina Joshua at Julia sa presscon ng Block Z movie, samantalang wala namang nabalitang lumabas na nagkatampuhan sina Julia at Janella na matagal nang malapit na magkaibigan.
Ang iniisip ng iba na maaaring pag-ugatan ng ginawa ni Julia ay selos sa lumabas na video ng dalawa kasama si Maja Salvador kung saan nagbibiruan at close na close sila sa isa’t isa at tinutukso pa nga ni Maja.
Baka raw naisip ni Julia na pinaglalaruan ni Joshua ang nakaraang relasyon nila nang sabihin nito sa presscon proper ng Block Z na na-miss siya nito samantalang mukhang may espesyal na pagtatangi naman kay Janella.
Nakapanayam namin nu’ng nakaraang Linggo si Joshua sa set ng A.S.A.P. Natin ‘To at agad naming tinanong ang aktor kung bakit niya nasabi sa presscon proper ng Block Z na na-miss niya si Julia.
Paliwanag ni Joshua, normal lang naman siguro ang naramdaman niya nang makita ang ex-GF at sang-ayon siya sa sinabi rin ni Julia na nu’ng nakita nila ang isa’t isa ay pamilyar ‘yung vibe at mga nangyayari.
Sa tanong kung bukas ba siyang makatrabaho uli si Julia pagkatapos ng pagsasama nila sa Block Z, ayon kay Joshua, kung may proyektong ibibigay muli sa kanila ang ABS, sino ba naman siya para tumanggi sa trabaho?
Siniguro rin sa amin ni Joshua na magkaibigan sila ni Julia kaya isang malaking palaisipan sa mga JoshLia fans kung bakit in-unfollow siya ng ex-GF.
Masaya at labis naman ang pasasalamat ni Joshua na sa pagtatapos ng The Killer Bride ay nakatagpo siya ng mga kaibigan sa cast ng serye, kung saan naging malapit sa kanya sina Maja at Janella.
Ani Joshua, ‘di niya inasahan na magiging close sila ni Janella kahit pa babae ito. Nilu-look forward din niyang magkatrabaho silang muli at maghihintay lang siya na pagkatiwalaan silang muli ng Kapamilya Network na magkasama sa isang proyekto.
Ang alam namin ay boyfriend ngayon ni Janella si Markus Paterson pero marami ang nagkomento sa in-upload naming interview ni Joshua sa aming YouTube channel na iba raw ang excitement at kislap sa mga mata ng aktor nang mapag-usapan si Janella.





Comments