Dahil sa iba‘t ibang sakit.. Ligtas sa Taal, patay sa evac center

Maraming kababayan nating apektado ng pagputok ng Bulkang Taal at pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers ang nagkakasakit na.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, karaniwang sakit ng mga bakwit ay acute respiratory infection dahil na rin sa epekto ng ashfall, hypertension dahil sa nararanasang stress sa kanilang sitwasyon, diarrhea, sakit sa balat at mga sakit na maihahalintulad sa influenza.
Kaya naman mahigpit ang paalala ni Duque sa mga nasa evacuation centers sa kahalagahan ng sanitation.
Gayunman, aminado ang kalihim na mahirap din naman itong gawin dahil sa kasalukuyang sitwasyon na kulang sa malinis na palikuran at kahit pa mga portalet.
Kaya naman umapela si Duque sa mga nasa pribadong sektor na tumulong para madagdagan ang mga portalet sa 271 evacuation centers sa Calabarzon.
Tiniyak din ni Duque na may mga team na silang nakakalat para matiyak na hindi magkakaroon ng outbreak ng sakit sa mga evacuation center.
Maliban sa mga sakit, isa rin sa tinitignan ng DOH ang mental health ng mga nasa evacuation centers dahil sa maaaring trauma o depresyon na kanilang pinagdaraanan.
Matatandaang, isang Taal survivor ang naiulat na namatay habang nasa evacuation center.





Comments