Nanalo sa Lotto, sign na nangangailangan ng malaking halaga ng pera
Salaminin natin ang panaginip ni Arman ng Arman_Mariano@facebook.com
Dear Professor, Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na nanalo ako sa lotto, tapos dumudumi ako, pero hindi ko naman nakita ‘yung dumi ko? Salamat!
Naghihintay, Arman
Sa iyo Arman, Kadalasan, ang panaginip na nanalo sa lotto ay nangangahulugan na ang nanaginip ay kailangang-kailangan ng pera at hindi lang konting pera ang kailangan niya. Kaya ang mga may malalaking pananagutan tulad ng may malalaking utang ay nananaginip na sila ay tumama sa lotto.
May pagkakataon din na ang pangangailangan nila ay malaking halaga, pero hindi dahil sa utang kundi may mga pangarap silang ayon sa kanila ay magagawa lang nila kapag sila ay nagkaroon ng malaking halaga ng pera na kanilang magiging puhunan.
Gayundin, minsan, ang kanilang mga mahal sa buhay ang may kailangan ng malaking halaga kaya mapananaginipan nila na sila ay nanalo dahil ibibigay nila sa mahal nila sa buhay.
Minsan naman, pinipilit sila ng kanilang karelasyon na maglabas ng malaking halaga ng pera na may kasamang banta na sila ay iiwanan, kaya sa kanilang panaginip, mananalo sila sa lotto dahil sa takot nilang iwanan sila ng kanilang karelasyon.
Ibig sabihin, sa tunay na buhay, ang nanaginip na nanalo sa lotto ay sobrang nangangailangan ng malaking halaga ng pera, pero hindi mangyayari sa reyalidad.
Gayunman, kapag ang panaginip na nanalo sa lotto ay napanaginipan din ang mismong mga numero na tumama, ibig sabihin, sila, siya o ikaw ay talagang tatama sa lotto.
Kaya inirerekomenda na kapag nakapanaginip ng numero, tandaan, as in, huwag kalimutan at dapat na tayaan.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments