Motor sumalpok sa trak, 2 bebot utas

Kapwa nasawi ang dalawang babae na sakay sa motorsiklo matapos bumangga sa trailer truck kahapon ng madaling-araw sa Jose Abad Santos sa Tondo, Manila.
Kinilala ang mga biktima na sina Ana Virginia dela Cruz, 27, residente ng Bagumbayan, Quezon City at Ilora Joyce Suñer, 25, ng Tondo. Arestado naman ang driver ng trak na si Roilan Ruado, 41, ng Rizal. Ayon sa Vehicle Traffic Investigation Section ng Manila Police District (MPD), ala-1:00 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa northbound lane ng Jose Abad Santos Boulevard.
Nabatid na magkaangkas ang mga biktima sa motor kung saan si Dela Cruz ang nagmamaneho at binabagtas ang westward lane ng Quiricada Street, nang pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang nitong nasalpok ang Isuzu Giga na 14-wheeler trailer truck na minamaneho naman ni Ruado na bumabaybay sa Jose Abad Santos Boulevard. Bumangga ang unahang bahagi ng motorsiklo sa kanang hulihang bahagi ng truck at sa lakas ng impact ay kapwa tumilapon ang mga biktima, na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.
Wala umanong helmet ang mga biktima at ayon sa mga nakasaksi, naka-go ang traffic light kaya tuluy-tuloy na tumawid sa intersection ang truck pero mabilis ang andar ng motorsiklo at tumawid pa rin sa kalsada kaya bumangga sa truck. Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng trak na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide sa Manila Prosecutor’s Office.





Comments