top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Mga donasyon sa evacuation center, kontrolado at ayaw ipamahagi sa mga biktima, kumalat sa socmed, b

Ryan B. Sison
Jan 17, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Ilang araw nang nagsisiksikan sa mga evacuation center ang mga kababayan nating nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Kasabay nito, dumadagsa rin ang tulong mula sa mga kababayan natin sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang sa mga ipinaabot na tulong ang pangunahing pangangailangan tulad ng banig at kumot, damit, de-latang pagkain, instant noodles, diapers, hygiene kits at marami pang iba.

Pero paano kung ang mga ibinigay na pangangailangan ay hindi makaabot sa mga dapat tulungan?

May isang residente ng Poblacion 7 ng Talisay, Batangas ang nag-post sa Facebook hinggil sa reklamo sa evacuation center. Aniya, pumunta siya sa evacuation center sa Sto. Tomas Gym kasama ang kanyang pamilya.

Pagdating doon, hindi sila tinanggap ng nagpakilalang “Ma’am Tess” na taga-MSWD dahil puno na raw ang center, pero nakikita niyang may mga espasyo pa.

Nakiusap pa umano ang kanyang ina sa ibang tao roon para pumayag ang nakausap na taga-MSWD at pumayag naman ito, pero sinabihan sila na ‘wag manghingi ng kumot at banig dahil ubos na.

Hindi umano tugma ang sinasabi ni Ma’am Tess dahil marami pa silang nakikitang sleeping kit at kung ilalarawan, gabundok pa ang mga ito.

Dagdag pa ng evacuee, kailangan nila ng pamalit na damit kaya lumapit sila sa isang volunteer na naka-assign sa pamimigay ng damit at sinabing bagong dating sila kaya agad na nabigyan ng mga damit at kumot, gayundin, naabutan pa ang kanyang anak kaya nang makita ito ni Ma’am Tess, nagalit ito at tinanong kung bakit sila kumuha ng supplies kahit hindi sila nagpaalam.

Mabilis na nag-viral ang post kaya naman umani ito ng reaksiyon sa mga netizen.

Maraming nagpahayag ng pagkainis dahil sa inakto ng inirereklamo. Hirit nila, para saan pa ang mga donasyon, bubulukin o gagawing paninda?

Nakakatuwa dahil kahit maraming hirap sa buhay, nakukuha pa ring tumulong kahit sa maliliit na bagay, pero nakadidismaya dahil may ilan pa ring hindi tinatablan ng konsensiya.

Marami tayong kababayang nagtitiis sa center, nawalan ng kabuhayan at tahanan, kumakalam din ang sikmura, tapos pagdaramutan pa rin?

‘Wag naman sanang ganito. Ibinigay ng mga kababayan natin nang bukal sa kanilang loob ang mga bagay na kailangan ng mga biktima kaya sana, ipaabot ito sa kanila.

Panawagan natin sa mga nagsasagawa ng relief operations, siguraduhin nating mapakikinabangan ng mga nasalanta ang donasyon at hindi mapunta sa mga wa’ ‘wentang bagay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page