Kontraktuwal sa gobyerno, may P3,000 bonus — P-Digong

Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Administrative Order na mandatong bigyan ng gratuity pay ang lahat ng job order at contractual service employees sa gobyerno noong nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 20 na pirmado ni Pangulong Duterte nito lamang January 10, 2020, hindi bababa sa P3,000 ang maibibigay na gratuity pay sa mga nagbigay ng magandang serbisyo sa loob ng hindi bababa sa apat na buwan, at nasa gobyerno pa nitong December 15, 2019 o hanggang ngayon.
Batay sa ilalim ng AO, sakop ng mabibigyan ng gratuity pay ang nasa national government agencies, state universities and colleges, local water districts at government owned and controlled corporations.
Batid umano ng Pangulo na ang mga nasa ganitong posisyon ay hindi nakatatanggap ng ilang benepisyo tulad ng midyear at yearend bonuses, personal economic relief allowance at iba pa.
Kukunin naman ang pondo sa maintenance and other operating expenses ng kada ahensiya o SUC at kung magkulang ay may maaaring hugutin ang DBM noong 2019 budget na extended hanggang ngayong taon.
Epektibo sa lalong madaling panahon ang nasabing Administrative Order ng Punong Ehekutibo.





Comments