top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Humihirit ng P20 kada bus.. MMDA enforcer, kulong

Madel Moratillo
Jan 17, 2020
1 min read

Sa kulungan ang bagsak ng isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos umanong maaktuhan ng isang pulis na nanghihingi ng P20 sa mga nagdaraang pampasaherong bus sa southbound lane ng EDSA sa Bgy. Wack-wack, Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang traffic enforcer na si Rodrigo Maghanoy, 47, na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at RA 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices Act.

Ayon sa Mandaluyong City Police, alas-8:20 ng gabi nang maaresto ang suspek sa southbound lane ng EDSA, tapat ng isang kilalang mall sa Bgy. Wack-Wack.

Napuna umano ni P/SSgt Joselito Capito, na sakay ng kanyang mobile, ang pagpila ng mga pampasaherong bus sa harapan ng isang gusali roon na nagdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Paglapit ng pulis, napuna niya na ang mga konduktor ng mga naturang bus ay pasimpleng naghuhulog ng tig-P20 sa isang plant box na malapit sa motorsiklo kung saan nakaparada ang motorsiklo ng suspek.

Sinasabing kapalit ng naturang halaga ay pinapayagan ng suspek ang pagbalewala ng mga pampasaherong bus sa batas-trapiko at pagpila sa lugar upang kumuha ng pasahero kahit nagreresulta ito sa masikip na trapik.

Nang makita ng pulis na nagtungo ang suspek sa plant box at kinolekta ang mga nakalamukos na perang papel ay agad na itong inaresto.

Nakuha mula sa suspek ang 13 pirasong P20 bills.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page