Glucose test, kailangan ng mga buntis para iwas-komplikasyon
- Shane Ludovice
- Jan 16, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay mag-aanim na buwan nang buntis sa panganay kong anak. Last week, nagpa-check-up ako sa health center at sabi ng doktor ay kailangan ko raw magpa-glucose test next month. Pero nakalimutan kong itanong kung para saan ito? Basta ang sabi lang niya, ‘wag daw akong kakain nang 8 oras bago magpa-test kinabukasan. Ano ang glucose test? Wala naman sa lahi namin ang may diabetes. — Radah
Sagot Ang Oral Glucose Tolerance Test (OGTT) ay pagsusuri kung saan ang pasyente ay naka-fasting o walang kinain nang walong oras at pagdating sa laboratory ay kukunan ng dugo. Pagkatapos ay paiinumin ng isang basong tubig na may 75 grams ng glucose (asukal). Kukunan ulit ng dugo pagkatapos ng isa hanggang dalawang oras. Sa kabuuan ng OGTT, tatlong beses kukunan ng dugo ang pasyente.

Ang OGTT ay karaniwang ipinagagawa sa mga buntis na nasa ikaanim hanggang ikapitong buwan ng pagdadalantao. Puwede rin itong ipagawa ng doktor nang mas maaga o kahit lagpas dito, depende sa sitwasyon ng pasyente.
Sa OGTT, malalaman kung may diabetes ng pagbubuntis o gestational diabetes. Kung may gestational diabetes ang buntis, nagiging labis ang timbang ng bata sa sinapupunan. Puwedeng umabot ng 9 pounds ang bata kaya tuloy kailangang ma-cesarean delivery ang ina. Ang mga batang ipinanganak na may gestational diabetes ay mataas ang tsansang maging diabetic sa kanilang paglaki. Ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay puwede ring magkaroon ng Type 2 diabetes sa susunod na mga taon kahit hindi na buntis. Dahil sa peligrong ito sa bata at sa ina, kailangang magpa-OGTT para malaman kung may gestational diabetes.
Pagkatapos manganak ay karaniwang nawawala ang gestational diabetes. Nagiging normal muli ang asukal sa dugo. Pero minsan, ito ay nagtutuloy na agad sa Type 2 diabetes.
Sa pamamagitan ng OGTT, ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes noong sila ay buntis ay dapat magpaulit ng OGTT anim na linggo pagkatapos manganak para malaman kung normal na bang muli ang kanilang asukal sa dugo.
Comments