Tulong para makabangon, mas kailangan ng mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal
- BULGAR

- Jan 15, 2020
- 1 min read
Sa gitna ng anumang kalamidad, sadyang hindi nawawala ang pusong Pinoy.
Anuman ang katayuan sa buhay, lahi o relihiyon, lahat ay handang tumulong. Tulad ng mga kaganapan ngayon kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal, marami ang nagkukusang mag-abot ng tulong — mga pagkain, inumin, gamot, damit at iba pang pangunahing pangangailangan, sapat na para mairaos ang pang-araw-araw.
Gayunman, isa sa pinakamahirap na sitwasyon ay ang pag-uwi ng mga apektado ng pagsabog. Anong kalagayan ang kanilang uuwian? Kumusta na ang kanilang mga bahay at kabuhayan? At ang pinakamahalagang tanong, paano sila magsisimula?
Kaya malaking bagay na ngayon pa lang ay nakasuporta na ang ating gobyerno. Sinisimulan na ang plano kung paano ibabangon ang mga lugar na nasalanta — ang sektor ng agrikultura.
Batay sa pagtataya, aabot na sa P75.55 milyon ang halaga ng pinsala sa 752 ektarya ng pananim sa Batangas, bukod pa sa danyos sa fishkill at mga naapektuhang alagang hayop ng mga magsasaka. Kung may mga pananim o isda na puwede pang anihin, tulungan na sanang maagapan ng local government at nang mapakinabangan pa.
Makatutulong din ang pondo mula sa gobyerno para makagawa ng mga alternatibong paraan para unti-unting makabangon ang mamamayan sa lugar.
Sa ngayon, bukod sa relief goods, malaking ginhawa ang pagkupkop sa mga evacuee — mula sa mga evacuation center, Simbahan, pribadong establisimyento at maging ang mga tahanan na binuksan sa mga pamilyang walang masilungan.
Anuman ang kalamidad o trahedyang dumating, hindi pa rin nawawala ang pagmamalasakit at bayanihan sa bansa, ito ang tatak-Pinoy.





Comments