Sapat na dami ng prutas sa isang araw para sa diabetic
- Shane Ludovice
- Jan 15, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 54 years old at diabetic pero may iniinom akong gamot para sa aking maintenance. Batid kong bawal ang pag-inom ng softdrinks kaya kahit paborito ko ito ay iniiwasan ko na lang. Ang ginawa ko, imbes na softdrinks ay unsweetened pineapple juice na lang ang iniinom ko. Okay lang ba ‘yun? Nakita ko kasi sa commercial sa TV na good ito sa kalusugan, lalo na sa puso. — Lorna
Sagot Ang mainam kung iinom ng unsweetened pineapple juice ay dagdagan na lang ng tubig para mapuno ang baso o maglagay lamang nang lampas-kalahati sa baso at the rest ay tubig na lang. Kadalasan, sinasabi nating unsweetened naman ito — unsweetened ito at ibig sabihin, hindi na nila dinagdagan ng asukal nang gawing juice ang pineapple. Pero, ang mismong pineapple ay may sugar na rin, galing sa fructose.

Ang prutas ay may carbohydrates na kapag natunaw sa dugo ay nagiging asukal. Ang ibang example ng mga pagkain na may carbohydrates ay kanin, pansit, biscuit, crackers, oatmeal, tinapay, patatas, kamote, gabi, mais at cassava.
Kung may carbohydrates din ang prutas, bakit hindi ito bawal sa may diabetes? Hindi ito bawal dahil may vitamins at minerals ito at dapat kainin na bahagi ng balanced diet.
Ilang fruit servings ang puwede sa isang may diabetes?
Ang allowance ay tatlo at puwedeng gawing panghimagas o dessert ang prutas pagkatapos ng almusal, tanghalian at hapunan. Magtanong sa inyong doktor tungkol sa serving size ng mga prutas na puwedeng kainin. Halimbawa, kung kakain ng mangga ay dapat isang pisngi lamang. Kung maliliit na grapes naman ay hanggang sampung piraso lamang. Kung sa mansanas, puwede ang isang buo kung maliit pero kalahati lang kung malaking piraso. Ang saging ay medium size lang din.
Paano na ang unsweetened pineapple juice?
Kung halimbawa ay iinumin ito sa tanghalian, huwag nang kumain pa ng prutas sa tanghalian bilang panghimagas at ang juice na ang kapalit nito. Isa-isang prutas lang at ang pineapple juice ay considered na fruit serving din kaya puwede nang hindi kumain ng prutas bilang panghimagas kapag uminom nito.
Ang isa pang payo ay kainin ang prutas imbes na gawing juice. Mas nakabubusog ang buong prutas at maganda pa ang epekto ng fiber sa bituka. Pero hindi naman bawal kung gustong uminom ng juice ang may diabetes kundi dapat lang niyang malaman kung ano ang puwedeng epekto nito sa diabetes. Ang sobrang pag-inom ng fruit juice ay nakatataas din ng asukal sa dugo at ‘yun ang palagi nating tatandaan.




Comments