Missing in action na Mayor, lagot! — DILG

Pinaalalahanan ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang mga gobernador at alkalde sa Regions III, IV-A at National Capital Region na mahigpit na ipinagbabawal na maging ‘missing-in-action’ o magliwaliw sa gitna ng pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas.
Layon aniya nito na matiyak na mabilis na maihahatid ng mga lokal na pamahalaan ang sapat na ayuda sa mga nasasakupan nitong naapektuhan ng kalamidad.
Inatasan na rin ni Año ang mga local government official na pulungin ang kani-kanilang local disaster risk reduction and management council upang mailatag na ang mga kinakailangang tugon sa sitwasyon at sa pangangailangan ng mga residente.
Binanggit pa ng kalihim na sa ngayon ay nakataas na rin ang full alert status sa Philippine National Police na nagsasagawa ng mandatory evacuation sa mga lugar na maaapektuhan pa ng mga aktibidad ng Bulkang Taal.
Maliban sa PNP, kumilos na rin ang Bureau of Fire Protection para tumulong sa PNP at LGUs.





Comments