Mga pabidang nagkakalat ng fake news para manakot, sampulan!
- BULGAR

- Jan 14, 2020
- 1 min read
Kasabay ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, nakaaalburoto rin ang fake news na kumakalat sa social media. Hindi na nakakatulong, nakapagdudulot pa ng takot sa taumbayan.
Tulad ng mga post na may guguho umanong sikat at malaking mall kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal at may magaganap daw na napakalakas na paglindol. Fake news na paulit-ulit na lang kumakalat tuwing may kalamidad na nangyayari sa bansa at ang masaklap, may mga pumapatol pa rin.
Utang na loob, tigilan na ang pagpapakalat ng impormasyon na hindi naman totoo.
At sa publiko, huwag tayong magpabiktima. Bago paniwalaan at i-share, tiyakin muna na ang web page o social media accounts ay lehitimo, responsable at hindi nagpapalaganap ng fake news.
Nakadidismaya dahil imbes na malaking tulong sana ang social media sa komunikasyon at paghahatid ng tulong ay nakadaragdag pa ng alalahanin.
Kaya pakiusap natin sa mga ahensiya ng gobyerno, patuloy lang sa ipinamamalas na maayos at masistemang koordinasyon. Malaking tulong na aktibo tayo sa pagbibigay ng updates sa social media at maging sa text. Sa pamamagitan nito ay mabilis na nasusupalpal itong mga pekeng balita.
Umaasa rin tayong mapananagot din ang mga pabida sa likod nito. Kailangan nang may masampulan.





Comments