Mga abusadong negosyante, pera-pera, umaariba kung kelan may kalamidad
- Ryan B. Sison
- Jan 14, 2020
- 2 min read

Kapag may kalamidad, maraming nagpa-panic buying, kaya mabilis na nauubos ang mga bilihin sa mga pamilihan.
Matapos sumabog ang Bulkang Taal, agad pinalikas ang mga residenteng apektado kasabay ng paglalabas ng abiso ng mga ahensiya ng gobyerno.
Kaugnay nito, nagpakalat na ng team ang Department of Trade and Industry (DTI) para bantayan ang presyuhan ng face mask sa merkado.
Ito ay matapos makatanggap ng sumbong ng biglang pagtaas sa presyo ng N95 masks at gas masks sa mga tindahan.
Ayon sa DTI, ang sinumang mahuhuling nagpapatupad ng hindi makatwirang pagtaas sa presyo ng face at gas masks at mga kahalintulad na produkto ay maaaring maparusahan.
Kasong kriminal ang maaaring kaharapin ng mga business entities o indibidwal na nananamantala. Nilinaw ng DTI na wala ring pagbabago sa suggested retail price ng mga pangunahing bilihin.
Bago ito, maraming netizens ang nagpo-post ng kanilang reklamo dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng mga surgical at N95 masks sa ilang pamilihan sa Maynila. Anila, ang N95 masks na P25 hanggang P35 ay naging P200 hanggang P250.
Gayundin, may ilang bumibili nang bultuhan saka ibinebenta sa mas mataas na halaga. Sa ibang post naman, may nagsasabing ang surgical masks na P5 ay nasa P20 hanggang P35 na ngayon kada piraso.
Kung may mga kababayan tayong nananamantala, meron namang iba na nagpapakita ng malasakit sa mga nangangailangan.
Tulad na lang ng ilang riders ng motorcycle taxis na namimigay ng face mask sa mga madaraanang tao.
Habang may ilang residente na nag-aalok ng libreng hugas ng kotse sa mga sasakyang naapektuhan ng ashfall sa iba’t ibang lugar upang makatulong sa kaligtasan ng drayber at maiwasan ang aksidente sa daan.
Sa kabilang banda, nagsakripisyo ng isang araw na kita ang mga nagtitinda sa Santo Tomas, Batangas upang mapakain nang libre ang mga evacuee sa lugar.
Nakalulungkot lang dahil sa kabila ng napakaraming naapektuhan sa pagsabog ng bulkan, nasisikmura pang manamantala ng iba nating mga kababayan.
Samantala, marami na ring health professionals ang nananawagan na ‘wag ipagdamot ang mga face mask dahil hindi biro ang sakit sa balat at baga na maaaring makuha dahil sa exposure sa ashfall.
May isa pa tayong panawagan sa taumbayan — tama na ang pagpo-post ng mga biro o memes at fake news tungkol sa bulkan at ashfall, sa halip, ay mag-share na lang ng mahahalagang impormasyon tulad ng mga dapat gawin sa apektadong lugar, updates, emergency hotline numbers at advisory ng mga ahensiya ng gobyerno.
Sa mga ganitong pagkakataon, maging makatao tayo at ‘wag pairalin ang pagiging gahaman sa pera.
Isipin natin ang kalusugan ng ating mga kababayan at sa halip na maglamangan, magtulungan tayo para sabay-sabay na makabangon.
Ang pagiging ligtas sa kalamidad ay karapatan at hindi prebilehiyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments