Ligate, epektibo at pinakaligtas na birth control
- Shane Ludovice
- Jan 14, 2020
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 35 years old at mayroon akong apat na anak kaya nagdesisyon kami ni mister na magpatali na ako. Ang aming bunso ay 2 yrs. old pa lang kaya ayaw na naming masundan pa ito dahil sa hirap ng buhay ngayon. Maaari bang paki-discuss ninyo ang tungkol dito at gaano katagal ito gagawin sa ospital? — Belen
Sagot Tubal ligation ang tawag sa pagtali o pagputol ng fallopian tube upang hindi makadaan ang female egg mula sa ovary patungo sa uterus kung saan sila nagtatagpo ng male sperm upang ma-fertilize. Kapag walang female egg, walang pagbubuntis.

Simpleng procedure lamang ang tubal ligation. Maaaring gawin ito sa klinika ng doktor o sa ospital. Iba’t ibang technique ang paggawa nito. Ang doktor ang magpapaliwanag kung ano ang mga ito at kung alin ang angkop para sa inyo.
Ang isang halimbawa ay ang laparoscopy kung saan gagawa ng maliit na incision sa ibaba ng puson upang ipasok ang maliit na teleskopyo at isa pang incision sa itaas ng pubic hairline na papasukan ng instrumentong pantali, pamutol at pansunog. Kalahating oras ang tagal ng operasyong ito.
Ang tubal ligation, maliban sa abstinence ay ang pinakaligtas at epektibong paraan ng birth control. Nakaaalis pa ito ng menstrual cramps at abnormal bleedings. Ngunit, tulad din ng ibang abdominal surgery, mayroon din itong mga risks tulad ng impeksiyon at bleeding. Kung sakaling hindi mahusay ang pagputol ng fallopian tube at mabuntis, maaaring maging sanhi ito ng ectopic pregnancy.
Kung nais ninyo ng karagdagang impormasyon o magpapa-ligate kayo, makabubuti kung dumulog sa inyong doktor o sa health center.





Comments