Isa sa 9 na binigyan ng star… Fil-am comedian na si Jo Koy, nag-donate ng P2 milyon sa Walk of Fame-
- Erlinda Rapadas
- Jan 14, 2020
- 2 min read

Noong Linggo (January 12), matagumpay na naidaos ang 14th Walk of Fame-Phils. kung saan siyam na inductees ang pinili at pinagkalooban ng star. Ito ay sina Ms. Universe 2018 Catriona Gray, Edu Manzano, Rachelle Ann Go, Nanette Inventor, radio anchor Jun Banaag, Kim Atienza, Jiggy Manicad, Alex Gonzaga at ang sikat na Fil-Am stand-up comedian na si Jo Koy (Joseph Glenn Herbert) na may dalawang shows na gagawin sa ‘Pinas.
In full attendance ang siyam na WOF inductees, ganu’n din ang bumubuo ng Walk of Fame Board of Trustees. Naging punong-abala sa event ang anak ng yumaong si Kuya German Moreno na si Federico Moreno. Dahil ipinagpatuloy ni Federico ang pagtulong sa Mowelfund, ito ang beneficiary ng Walk of Fame-Phils..
Nagsilbing hosts ng programa sina Jackie Lou Blanco at John Nite. Ang Fil-Am comedian na si Jo Koy ay nag-donate naman ng P2 million para sa Mowelfund.
Samantala, maraming fans ni Catriona ang sumaksi at sumuporta sa unveiling ng kanyang star sa Walk of Fame Park sa Eastwood City. Marami rin ang natuwa at na-impressed sa pagiging down-to-earth ni Catriona na very accommodating at nagpaunlak na magpa-picture sa ilang guests at fans. Napakasimple niya sa nasabing event kaya hindi na-intimidate ang mga fans na siya ay lapitan at batiin.
Hindi naman nagpakabog kay Catriona si Jo Koy sa ginanap na event. Nakaw-eksena sina Edu at Alex nang mag-pose sila sa kani-kanilang star sa Walk of Fame Park. Sinamahan ito ng comedy nina Edu at Alex. Humirit pa nga si Edu sa Board of Trustees ng WOF-Phils. na sana, next year, ang star naman ng anak niyang si Luis Manzano ang mailagay sa tabi ng kanyang star.





Comments