Zero kalat, maging panata rin sana ng mga deboto ng itim na Nazareno
- Korina Sanchez
- Jan 13, 2020
- 1 min read
Sa kabila ng mga panawagan tungkol sa pagpapanatili ng kalinisan sa katatapos lamang na Traslacion 2020, “trash-lacion” pa rin ang nangyari.
Umabot sa 68 trucks o katumbas ng 330 tonelada ng basura ang nakolekta ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila nang matapos ang prusisyon.
Nakadidismaya na tila marami pa rin ang walang malasakit sa kapaligiran. ‘Yung tipong hirap na hirap sila pagdating sa pagpapanatili ng kalinisan.
Gaano ba kahirap magdala ng sariling lalagyan ng tubig o tumbler para mabawasan ang kalat na plastic bottles? Kung takot silang magutom kaya nagbabaon sila ng pagkain sa plastic o styrofoam, puwede namang sa bahay pa lang ay kumain na para hindi agad kumalam ang sikmura.
Naintindihan nating mahirap ang sitwasyon ng mga tao dahil nakakagutom at nakakapagod ang halos buong araw na prusisyon at kagustuhan na makapunas ng puting tuwalya sa Itim na Nazareno, pero sana ay maintindihan din nila na ang pagtatapon ng basura sa tamang basurahan o pagbulsa ng maliit na balat ng pinagkainan ay simpleng bagay lamang.
Sa totoo lang, paulit-ulit na itong ipinakikiusap ng lokal na pamahalaan sa mga tao pero taun-taon pa rin ay may mga pasaway na kung saan-saan lang inilalagay ang kanilang basura.
Tandaan, na dahil sa panata kaya tayo nakiisa sa Pista ng Itim na Nazareno at kasabay ng panata ang sakripisyo. Kumbaga, kahit hassle ay dapat pa rin tayong mag-adjust dahil hindi lang iisang tao ang makikinabang sa kaayusan, kundi tayong lahat.
Banal na gawain ang Traslacion kaya dapat ang lugar na pinagdarausan nito ay huwag nating babuyin. Kanino ba magre-reflect ang nakadidismayang gawain, hindi ba sa atin din?





Comments