Obiena, tiwala sa kanyang performance sa Summer Games

Mataas ang paniniwala ni 2020 Tokyo Olympics-bound Ernest “EJ” Obiena na makakayanan niyang makakuha ng medalya sa Summer Games kung sakaling maabot nito ang tinatarget na marka ngayong taon.
Kasalukuyang nasa matinding paghahanda ang 30th Southeast Asian Games gold medalist sa men’s Pole Vault sa Formia, Italy sa Europa upang makamtan nito ang inaasam na medalya sa quadrennial meet.
Ayon kay Obiena, kung pagbabasehan umano ang resulta ng nakalipas na 2016 Rio Olympics edition, kinakailangan na lang niyang umangat ng 4cm upang makuha ang bronze medal na kinuha noon ni Sam Kendricks ng Estados Unidos. Ngunit, dahil umano sa matinding pagsasanay ng mga manlalaro sa pandaigdigang kompetisyon, inaasahan nitong mas tataas pa ang itatalon ng mga ito, kung kaya’t iniisip niyang kailangan niyang makuha ang 5.90cm para makakuha ng medalya. “It depends, if we are going to see the last result of the Olympics, I just need 4 cm to get the bronze, so that’s close, but in my head, like I’m just predicting that these athletes will be jumping a way higher, so I just want to jump a little more than them,” pahayag ni Obiena sa panayam ng CNN sports desk dito.
Nakuha ni Obiena ang isang silya sa quadrennial competition nang talunin niya ang 5.81m na marka sa Salto Con L’Asta Piazza Chiari meeting 2019 (Auction Meeting in the Square Pole Vault 2019) sa bansang Italy noong Setyembre upang maging kauna-unahang Filipinong atleta na makapasok sa 2020 Olympics.
Noong 2016 Rio Games ay napanalunan ni Thiago Braz da Silva ng Brazil ang gintong medalya sa pamamagitan ng pagtala ng bagong Olympic at South American record na 6.03m at pagwasak sa 5.97m ni Renaud Lavillenie ng France noong 2012 London Games, gayunman, nagwagi pa rin si Lavillenie ng silver medal sa parehong kumpetisyon ng higitan nito ang kanyang sariling record sa 5.98m.
Mas matangkad ng bahagya si Obiena sa 6’ft 2 inch sa dalawang Olympic-record-holders na sina Laviellenie (5’ft 9.5 inch) at Thiago Braz (6’ft 0inch), habang mas bata rin sa edad sa 23-anyos laban sa 33-anyos at 26-years-old, ayon sa pagkakasunod.
Malaki na rin ang ipinagbago ng dating UST Engineering student-athlete pagdating sa paghawak ng kanyang natamong ACL injury (take off leg) noong 2017 bago ang SEA Games. “That (injury) help me focus, it makes me more mature as an athlete and as a person, it was an experience during the time, it was really devastating for me, but looking at it now it could be a blessing in disguise in a way of some form because I learn how to focus myself of how the chance that I’ve been taking just like this could be the last one that I could competing just to give up my all every time,” wika ni Obiena, na naging dahilan upang hindi ito makalaro ng Kuala Lumpur Games.
Hindi naman nito malilimutan ang malaking tulong ng mga kababayan sa pagkamit niya ng gintong medalya sa biennial meet, gayundin ang paggawa ng panibagong tala na 5.45m matapos sirain ang 5.35m ni Porranot Purahong ng Thailand, na nagwagi naman ng silver medal.
Pinaghahandaan na lamang ng World University Games gold medalist ang mga huling nalalabing international competition na Asian Championships sa Pebrero sa China at World Championships sa Marso bago ang pinakananabikang Olympic Games simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.





Comments