Iskul, imbes makatulong sa kabataan, hindi na safe dahil sa bullying
- Ryan B. Sison
- Jan 13, 2020
- 2 min read

Suicide, depresyon at nagiging bully — ilan lamang ang mga ito sa epekto ng pambu-bully sa kabataan, lalo na sa mga paaralan.
Napabalita kamakailan ang pagpatay sa suntok ng 18-anyos na Grade 9 student sa kanyang 15-anyos na kaklase sa Talisay City, Cebu.
Ayon sa imbestigasyon, bullying ang dahilan ng krimen. Hindi na umano kinaya ng suspek ang labis na panunukso ng biktima dahil sa pagtawag sa kanya ng bakla kaya sinuntok niya ito sa ulo at tiyan na naging sanhi para bumagsak sa semento at mabagok ang biktima na siyang ikinamatay nito.
Ang Republic Act 10627 o Anti-Bullying Act ay naglalayong maprotektahan ang kabataan na nag-aaral sa kindergarten, elementarya, sekondarya at iba pang learning centers mula sa nagaganap na bullying.
Itinatakda sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa ang pagkakaroon ng polisiya upang maiwasan ang ganitong gawain.
Base sa datos ng Department of Education (DepEd), mula noong 2014, umakyat ng 21% ang mga kaso ng bullying mula sa pribado at pampublikong paaralan sa elementary at high school at patuloy pa itong tumataas. Kahit may mga batas nang naipasa ang gobyerno hinggil dito, dumarami pa rin ang mga insidente ng bullying sa mga eskuwelahan.
Ang paaralan ang itinuturing na pangalawang tahanan ng mga mag-aaral at ito rin ang nagbibigay-daan upang matupad ang kanilang mga pangarap. Subalit, nakalulungkot na sa halip na mga guro sana ang tagapagturo ng kagandahang-asal at itinuturing na pangalawang mga magulang ng mga bata, tila may ilang walang pakialam.
Sa totoo lang, dahil sa kawalan ng respeto ng mga estudyante sa kani-kanilang kaklase at kakulangan ng tamang polisiya sa mga eskuwelahan, hindi nababawasan ang mga kaso ng bullying, bagkus, lalo pa itong dumarami.
Isa na namang buhay ang nawala dahil sa simpleng tuksuhan na nauwi sa sakitan kaya para sa pamunuan ng mga paaralan, sana, pagtuunan natin ng pansin ang mga pangyayaring ito sa mga kabataan na tila paulit-ulit na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.
Hozzászólások