top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Isang puno kada Pinoy para sa ligtas na mundo

Bong Revilla
Jan 13, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Paulit-ulit na naaalala ang pagtatanim ng puno sa tuwing may kalamidad na dumarating sa ating bansa, partikular ang mga baha na nagdudulot ng labis na pagkasira sa kabuhayan at ari-arian ng marami sa ating mga kababayan.

Ngunit, mabilis ding mawala ang usapin hinggil sa pagkakalbo ng kabundukan at kagubatan kapag sumilip na ang haring araw at balik-aliwalas na naman ang kapaligiran.

Mapapansin natin na halos lahat ng programa sa radyo at telebisyon ay kinakapanayam ang mga government officials kung ano ang dapat gawin para hindi rumagasa ang baha.

Ngunit, paghupa ng baha ay kasabay na ring humuhupa ang isyu tungkol sa pagkaubos ng puno at balik na naman sa walang humpay na pagputol ng puno at paulit-ulit na lang.

May ulat na nasa 4.1 trilyong puno na lamang ang natitira sa buong mundo, inuulit natin, buong mundo, ha? Ibig sabihin, hindi lang sa bansa natin nagkakaubusan ng puno dahil problema ito sa buong mundo.

Hindi maiiwasan ang magputol ng puno kapag ang isang lugar ay inabot na ng development, obligadong patagin ang isang lugar at kasama rito ang pagputol ng puno na aprubado naman ng pamahalaan.

Hindi pa natin binabanggit ang mga illegal loggers na salaula kung pumutol ng puno at wala silang pakialam kung ano ang uunahing putulin basta ang alam lang nila ay magputol nang magputol.

Panahon na para tutukan natin ang pagtatanim ng puno at kayang gawin ito dahil may isang lugar sa Bohol na kung tawagin ay ‘man-made forest’ na dinarayo ngayon dahil napakarami ng mga puno rito.

Ipinag-utos ng isang gobernador sa probinsiya na bawat isa ay magtanim ng puno at seryoso nilang binantayan ang naturang lugar kaya ang resulta ay mistulang gubat na napakalamig ang buong paligid.

Bakit hindi natin ibalik ang sistema noong tayo ay mga batang mag-aaral pa? Noon ay obligadong magtanim ng puno ang bawat estudyante dahil kasama ito sa requirements para maka-graduate ng high school.

Kung bawat Pinoy ay magtatanim ng puno, mahigit 100 milyong puno ang lalaki sa loob ng sampu hanggang 20 taon. Ang kailangan lang natin ay magsimula, dahil kung hindi tayo magsisimula ay mananatili tayo sa paulit-ulit na sitwasyon na puro reklamo sa epekto ng baha.

Kahit anong gawing linis ng mga lokal na pamahalaan sa mga drainage sa buong Metro Manila tuwing papalapit ang bagyo ay hindi nito kayang pigilan ang pagbaha kung talagang tuluy-tuloy na bubuhos ang ulan.

Puno na ang buong Metro Manila ngunit, marami pang bakanteng lugar na puwedeng taniman ng puno at malaking bagay ito dahil sampung taon mula ngayon ay makatutulong ito sa napakaruming hangin ng Kamaynilaan.

Wala talagang ibang solusyon kundi magtanim ng puno — maraming puno!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page