Evacuation centers sa bawat lugar sa bansa, now na!

Kasunod ng pagsabog at patuloy na pag-aalburoto ng Taal Volcano, ipinag-utos na ang preemptive evacuation ng mga residenteng malapit dito.
Kahapon, itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang lagay ng Bulkang Taal dahil umaabot na sa isang kilometro ang taas ng ibinubugang abo ng bulkan.
Nararamdaman din ang mga pagyanig sa Volcano Island at ilang barangay sa Agoncillo, Batangas. Nakararanas din ng ashfall sa southwest sector ng Taal.
Kaya naman, ang pakiusap sa mga residente, magsilikas na para makaiwas sa posibleng panganib.
Kasabay nito, inaasahang kasado na rin ang iba’t ibang tulong. Nakaantabay na ang mga ambulansiya at iba pang sasakyang pang-rescue, gayundin ang mga relief goods.
At sa ganitong mga pangyayari, isa sa mga dapat napaghandaan ay ang mga evacuation center para sa mga apektado ng pagsabog o pagyanig — lugar na mas ligtas at makapagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilya.
Madalas ay sa mga paaralan pansamantalang pinatutuloy ang mga evacuee — kung saan kulang sa kagamitan, pasilidad at kalimitan ding nakatayo sa mga disaster prone area.
Kaya tama lang at panahon na para magkaroon ng modernong evacuation centers sa bawat lugar sa bansa, ‘yung typhoon, earthquake at disaster resistant.
Sa pamamagitan nito, hindi na magagamit pa ang mga eskuwelahan at mga multi-purpose hall bilang evacuation centers.





Comments