Van ng navy vs. jeep, 12 nadale

Photo: abs-cbn
Sugatan ang 12 katao kabilang ang dalawang tauhan ng Philippine Navy sa banggaan ng isang pampasaherong jeepney at Philippine Navy van sa Makati City.
Nasa Manila Naval Hospital ang mga biktima na sina Charles Joseph Villaruel, 22, miyembro ng Philippine Navy at Apprentice Vemicer, kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala naman sa Ospital ng Makati at Makati Medical Center ang 10 pasahero ng jeepney na sina Jayson Gottorab, 24; Stephanie Velarde, 27; Cristine Barias, 23; Donna Ventura, 28; Quinee Cordova, 27; Antonette Cerilla, 21; Enrine Eusebio; Aloy Valenzuela; Emy Rose Rezando, 19, at Aldrich Dacer, 38, na nagtamo ng minor injuries.
Nasa kustodiya ng Makati Traffic Enforcement and Investigation Unit ang tumakas na driver ng jeep na may plakang PKR-415 na kinilalang si Renato delos Santos, nasa hustong gulang, matapos isuko siya ng kanyang operator.
Base sa inisyal na ulat ni Makati City Police Chief P/Colonel Rogelio Simon, nangyari ang banggaan sa Don Chino Rocess Avenue, alas-8:00 ng gabi.
Sa imbestigasyon, minamaneho ni Villaruel ang L300 PN van na may plakang SLB 338 habang sakay nito si Vemicer, galing sa A. Arnaiz Avenue patungong EDSA at ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Rene sa kabilang lane nang magkasalpukan sa kahabaan ng Don Chino Roces Avenue.
Sa tindi ng banggaan, nasugatan ang dalawang tauhan ng PN at ang 10 pasahero ng jeep habang nagawang tumakas ng driver pero, kalaunan ay isinuko siya sa pulisya ng kanyang operator.
Rumesponde ang mga awtoridad at Makati Rescue Team kaya naisugod ang mga sugatang biktima sa magkakahiwalay na pagamutan upang malapatan ng lunas ang mga ito.
Nahaharap ang jeepney driver sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property at multiple physical injuries.





Comments