Mens na singlakas ng ihi ang labas, sign na may tumor sa matris
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Jan 11, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Nakapagtataka dahil sobrang lakas ng mens ko, ‘yung tipong para na akong umiihi. Ang sabi ng kaibigan ko na Med student, “menorrhagia” raw ang tawag dito. Normal ba ito sa mga babae? Ano ang sanhi nito? — Yago
Sagot
Ang menorrhagia ay labis na pagkakaroon ng regla na lampas sa karaniwan tuwing panahon ng menstruation. Sa karaniwang kaso, ang babae ay nakapaglalabas ng apat hanggang anim na kutsara ng dugo tuwing may menstruation ito. Subalit, ang sukat na ito ay maaaring madoble ng mucus, selyula at piraso ng membrane mula sa endometrium at magmukhang namumuong dugo.
Ano ang sanhi nito? Ang sanhi ng menorrhagia ay posibleng dahil sa paggamit ng Intra-Uterine Device (IUD), isang uri ng contraceptive; pagkakaroon ng mga tumor o kanser sa uterus at ang pagbabago ng hormone na may palatandaan ng labis na produksiyon ng estrogen.
Ang babae na naninigarilyo ay limang ulit ang panganib na magkaroon ng menorrhagia kumpara sa babae na hindi naninigarilyo. Ang madalas at malakas na menstruation ay nangangailangan ng kumpletong check-up tulad ng pelvic examination, pap smear, pag-eeksamin sa dugo at ihi. Ang pagsusuri sa hormone ay magbibigay-katiyakan kung mayroon o walang obulasyon o hindi balanse ang produksiyon ng hormone.
Paano ito maiiwasan? Ang pag-inom ng Vitamin C at pagkonsumo ng mga pagkain na mayaman sa bioflavonoids, alternative medicine na matatagpuan sa buckwheat at prutas ay sinasabing nakapagpapahina ng malakas na pagreregla dahil pinalalakas nito ang capillary walls.
Iminumungkahi rin ang pag-inom ng suplementong iron. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa iron ang atay at iba pang karne mula sa laman-loob ng hayop, pulang karne, halamang-ugat, tahong, isda, pinatuyong apricot, tinapay at cereals.





Comments