Magsasakang hindi nagbibigay ng renta o kita sa inani sa lupang pag-aari ng iba, puwedeng palayasin
- Persida Acosta
- Jan 11, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Mayroon akong lupang sakahan ng palay. Sinasaka ito ng aming kasamang magsasaka pero hindi siya nagbibigay ng upa sa lupa o bahagi namin sa ani. Ano ang nararapat naming gawin? – Napoleon
Dear Napoleon, Ang hindi pagbibigay ng upa o renta o bahagi ng may-ari sa ani mula sa lupa na sinasaka ng kasamang magsasaka ay isa sa mga pitong (7) sanhi sa pagpapa-dispossess o pagpapaalis sa kanya, alinsunod sa Section 50 (c) ng Republic Act No. 1199 o ang tinatawag na Agricultural Tenancy Act of the Philippines (ATAP) na sinusugan ng Republic Act No. 2263. Ang nasabing probisyon ng batas ay nagsasaad ng ganito:
“Section 50. Causes for the Dispossession of a Tenant. - Any of the following shall be a sufficient cause for the dispossession of a tenant from his holdings: (c) The tenant’s failure to pay the agreed rental or to deliver the landholder’s share: Provided, however, that this shall not apply when the tenant’s failure is caused by a fortuitous event or force majeure.”
Gayunman, nais nating bigyang-diin na ang pagpapaalis o dispossession ng tenant o kasamang magsasaka ay kinakailangang napatunayan at awtorisado ng korte, ayon sa Section 49 ng parehong batas (R.A. No. 1199). Samakatwid, kailangan ninyong magsampa sa korte ng reklamo para ipa-dispossess sa inyong lupa ang inyong kasamang magsasaka sanhi ng hindi nito pagbibigay ng upa o bahagi sa ani mula sa inyong lupa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments