top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

KTV bar na sex den ni-raid, 16 Chinese arestado

Gina Pleñago
Jan 11, 2020
1 min read

Nilusob ng mga elemento ng Makati City Police ang isang high-end KTV Bar na sinasabing talamak ang prostitusyon kung saan nahuli ang dayuhang may-ari ng establisimyento, kahapon ng madaling-araw.

Iniimbestigahan na sa Station Investigation Detective & Management Branch (SIDMB) ng awtoridad ang suspek at may-ari ng bar na si Shih Fang Chen, isang Vietnamese.

Kasamang hinuli ang 16 Chinese nationals na pawang customers ng bar. Isasailalim sa interogasyon kaugnay ng insidente ang anim na empleyado ng bar kabilang ang dalawang manager.

Nasagip naman ang kabuuang 11 Pilipina at ibang foreign entertainers sa gitna ng operasyon.

Ayon sa inisyal na ulat ni Makati City Police Chief P/Colonel Rogelio Simon, nagkasa ng raid/police operation ang kanyang mga tauhan sa SR Makati Palace Hotel sa Burgos Street, Bgy. Poblacion, Makati City, alas-3:30 ng madaling-araw.

Unang nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis kaugnay sa umano’y lantarang bentahan ng laman o panandaliang-aliw sa nasabing bar kung saan umaabot umano sa P20,000 ang bayad sa bawat babaeng matipuhan ng parukyano.

Dali-daling sinalakay ng mga pulis ang lugar at dito nahuli ang suspek na si Chen at mga Chinese national na customer habang narekober ang mga ebidensiya kabilang na ang ilang mga condom.

Inimbitahan naman ng mga pulis ang anim na empleyado ng bar kabilang ang dalawang manager na umano’y nagsisilbing ‘bugaw’.

Nakatakdang iturnover sa Department of Social Welfer and Development ang mga nasagip na Pinay at iba pang dayuhang babae.

Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page