top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

EdCom, buhayin para mapalakas ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas

Sonny Angara
Jan 11, 2020
2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Ilang araw mang naantala, sa wakas ay pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.1 trilyong 2020 National Budget.

Bago nilagdaan ng pangulo, dumaan ang badyet sa masusing pagsusuri, pag-aaral at pagdedebate ng dalawang sangay ng Kongreso. At bagama’t, nagkaroon ng iba’t ibang pagtatalo, tiniyak ng mga senador at mambabatas na maipasa ito sa lalong madaling panahon upang hindi mapurnada ang mga proyekto at programa ng pamahalaan para sa mamamayan.

Siniguro nating hindi ito matutulad sa sinapit noong 2019 National Budget na apat na buwang nabimbin dahil sa mga hindi pagkakaintindihan ng mga lehislador.

At ang resulta, nabitin ang mga proyekto, naapektuhan ang galaw ng ekonomiya at muntik nang hindi maabot ng gobyerno ang target growth nito para sa nasabing taon.

At sa bagong badyet, pangunahing prayoridad ang edukasyon at social services. Hindi dapat naisasantabi ang edukasyon lalo na para sa mga kababayan nating mahirap dahil ito lang ang natatanging tulay nila tungo sa mas maayos na pamumuhay.

Isa pa sa mga pinaglaanan ng malaking pondo ang DPWH na may budget increase na P51.139 bilyon para sa pagsasakatuparan ng malalaking proyekto ng gobyerno.

Layunin natin dito na hindi man matapos ang lahat ng proyekto ng administrasyong Duterte ay mapasimulan ang iba pa para makumpleto ng susunod na liderato.

Kabilang din sa mga prayoridad ang tuluy-tuloy na pagpapatupad sa conditional cash transfer at sa 4Ps na malaking tulong sa mahihirap nating kababayan. Nariyan din ang patuloy na pagpapatupad sa mga benepisyo ng ating seniors, kabilang ang kanilang P6,000 annual pension.

***

Napag-uusapan na rin lang natin ang edukasyon dahil isa ito sa mga prayoridad ng General Appropriations Act FY 2020, panukala natin ngayon na buhayin ang Congressional Committee on Education (EDCOM). Tiyak na epektibong ayuda ito sa pagpupursige ng gobyerno na palakasin ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Kasama natin sa pagsusulong ng Senate Joint Resolution No. 10 na humihiling sa pagbuhay sa EDCOM sina Minority Leader Franklin Drilon, Senators Sherwin Gatchalian, Grace Poe at Joel Villanueva bilang mga co-author.

Ano nga ba ang EDCOM? Ito ang komite na tumutukoy sa kahinaan ng ating education system at siyang bubuo ng malalaking hakbang upang mapalakas ang mga ito.

Iba’t ibang repormang pang-edukasyon na ang naipatupad sa bansa sa loob ng maraming taon, pero marami pa tayong dapat gawin upang makasabay sa kalidad ng edukasyon ng iba’t ibang bansa sa mundo.

Nakalulungkot na sa 79 bansa, pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamababang antas sa galing sa Reading, Mathematics at Science. Base ‘yan sa isinagawang pag-aaral ng Programme for International Student Assessment o PISA noong 2018.

Panahon ni dating Pangulong Cory Aquino unang naging aktibo ang EDCOM sa bansa. Pinamunuan ito noon ng yumaong ama ng inyong lingkod na si dating Senate President Edgardo Angara.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa tuluyang nareresolba ang mababang antas ng edukasyon dahil napakalaki ng kakulangan natin sa mga guro, silid-aralan, napakalaking bilang ng mga mag-aaral sa isang klase na isa sa mga dahilan kung bakit napakababa ng learning achievement ng mga estudyante.

Sakaling maisabatas ang muling pagsasabuhay sa EDCOM, ito ay pamumunuan ng mga chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture and on Higher, Technical and Vocational Education, katuwang ang chairpersons ng House Committees on Basic Education and Culture and on Higher and Technical Education.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page