Pagpapauwi sa mga Pinoy sa Iran at Lebanon, binawi
- M. Moratillo / L. Abenales
- Jan 10, 2020
- 1 min read

Hindi na sakop ng mandatory repatriation ang mga Pinoy na nasa Iran at Lebanon.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos ang nangyaring tensiyon sa pagitan ng Iran at Amerika na naging dahilan para magdesisyon ang gobyerno ng Pilipinas na magpatupad ng mandatory repatriation sa ilang bansa sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Bello, ito ay matapos ibaba sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Lebanon habang wala naman ng alert level sa Iran.
Una nang itinaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Iran, Iraq at Lebanon kasunod ng nangyaring tensiyon.
Gayunman, sa kabila nito, nilinaw ni Bello na may umiiral na deployment ban sa mga bagong tanggap na manggagawa patungong Iran at Lebanon.
Hindi aniya magpoproseso ang Philippine Overseas Employment Administration ng aplikasyon para sa nasabing mga bansa.
Habang mananatili naman ang mandatory evacuation para sa mga OFW sa Iraq. Umiiral din aniya ang deployment ban sa nasabing bansa.
Nilinaw din ni Bello na wala pang mandatory repatriation sa Saudi Arabia.
Tinatayang aabot sa mahigit 2 milyon ang bilang ng mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa mga bansa sa Middle East.
Ang Middle East ang isa sa itinuturing na top destination ng mga OFWs kaya naman malaki ang populasyon ng mga Pinoy dito.





Comments