top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Inispreyan ng tubig na may sili sa mata.. Traslacion 2020: Pulis vs. deboto

  • Mylene Alfonso
  • Jan 10, 2020
  • 2 min read

Isang deboto ng Itim na Poong Nazareno ang nagreklamo sa ginawa umano ng ilang nagbabantay sa Andas sa kasagsagan ng Traslacion.

Sa isang panayam, isang Bong Encarnado ang hindi umano nakalapit sa Andas dahil sa ginagamit na pang-spray ng mga nagbabantay sa imahe.

Aniya, sa mata tinututok ang nasabing spray, na ayon sa deboto ay tila gawa sa tubig na hinaluan ng sili at mga 10 minuto bago maka-recover sa pagkakahirap makakita.

Tingin pa nito, mga pulis umano ang nang-spray dahil ito ang nasa frontline na tagabantay sa Andas.

Samantala, nagkapisikalan naman ang mga pulis at ilang deboto sa pagsisimula ng Traslacion.

Sa unang pagkakataon, mga pulis sa halip na mga deboto ang nanguna sa paghila ng Andas ng 400-taong-gulang na imahen.

Pinigilan din ang mga deboto mula sa pagsampa sa unahan at gilid ng Andas, bagama’t, hinayaan silang makalapit sa likuran nito.

“Nasanay lang kasi sila (mga deboto) na kung saan nila gusto, iyon. Ngayon, nakaranas sila na parang may nagko-control kaya medyo nanibago sila,” ani Quiapo Church Vicar Fr. Douglas Badong.

“Nagkakapikunan, naiinis sila. Sa ganitong sitwasyon, mahirap na silang kausapin, eh,” dagdag pa ni Fr. Badong.

Ipauubaya naman aniya ng mga pulis ang Andas sa mga deboto sa oras na makarating ito sa Arlegui Street.

Ngunit, hindi ito nasunod dahil bago pa lamang dumating sa Ayala Bridge ay nakuha na ng mga deboto ang lubid ng Itim ng Nazareno na pinaniniwalaang mapaghimala.

“Inuunti-unti nating madisiplina iyong ating mga mamamasan. Hindi po ipinagdadamot at hindi po pinagbabawalan ng mga kapulisan,” wika pa ni Fr. Badong. Humingi rin ng dispensa ang pari sa pulisya.

Aniya, “Sa mga kapulisan din, iyong aming paghingi ng pasensiya sa mga inaasal ng ibang mga mamamasan na tanging ang gusto lang sana ay makahawak.”

Milyun-milyong deboto ang lumalahok sa Traslacion kada taon sa paniniwalang nagpapagaling ng karamdaman at sumasagot ng mga panalangin ang Itim na Nazareno.

Ayon naman sa Disaster Preparedness and Response Ministry ng Quiapo Church, bagama’t, hindi umano naging perpekto ang seguridad ay naging maganda naman ang kinalabasan ng Traslacion.

Sa paniwala naman ng mga deboto, Pista ng Itim na Nazareno ang selebrasyon ngunit, naging pista ng mga pulis dahil guwardiyado ng mga ito ang Andas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page