Dagdag-sahod sa mga gov’t employee, pirmado na

Good news muna tayo. Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang panukalang taasan ang suweldo ng mga kawani ng gobyerno.
Nakapaloob sa Salary Standardization Law of 2019 ang pagtaas ng basic salary Grade 1 ng government employee sa P13,000 mula sa dating P11,068.
Bagama’t, ibibigay ang nasabing salary increase sa apat na tranches mula ngayong taong 2020 hanggang 2023.
Magsisimula ang unang bugso ng dagdag-sahod ngayong Enero. Kaugnay nito, nasa 1.4 million civil servants kabilang ang mga guro at nurses ang inaasahang makikinabang sa nasabing bagong batas.
Madalas nating marinig ang mga linya na walang guro na yumayaman. Ang iba sa kanila ay halos nalulubog pa sa utang. Pero, mas pinipili pa rin nilang manatili sa pagtuturo dahil sa paniwalang ito ay hindi lamang basta propesyon kundi bokasyon o ‘calling’.
May mga Education graduate na hindi nagiging guro habang may mga ibang kurso ang tinapos na nagiging guro. Kumbaga, hindi lang ito basta ginusto kundi kasabay nito ay ang pagtanggap at pagsasakripisyo.
Sila ang nagsilbing gabay para magtagumpay ang isang architect, engineer, accountant, doktor at magagaling na negosyante. Sa kanila nagsimula ang bawat pangarap at isa rin sila sa mga dahilan kung bakit may mga nagtatagumpay at hindi sumusuko sa buhay.
Bilang mabuting ganti, hindi naman siguro kalabisan na maibalik din sa kanila ang paglilingkod na kanilang ibinibigay. Ang makatarungang suweldo at benepisyo ay isa lamang sa maraming paraan.
Kung mahalaga ang mga sundalo at pulis, ganundin ang mga guro at lahat ng manggagawa.





Comments