Arellano Chiefs, dedepensa agad ng korona vs . Lyceum

Dalawang matinding laro ang magbubukas ng aksiyon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) Women’s Volleyball ngayong hapon sa FilOil Flying V Centre. Sisimulan ng Arellano University ang pormal na depensa sa kanilang korona kontra Lyceum of the Philippines University sa unang laro ng 12:00 ng tanghali.
Noong nakaraang taon, tinalo ng Lady Chiefs ang University of Perpetual Help System-Dalta Lady Altas para sa kanilang ikatlong sunod na kampeonato. Mamumuno sa atake ng Arellano sina Most Valuable Player Necole Ebuen at Finals MVP Regine Arocha.
Nagtapos ang Lady Pirates na may kartadang 4-5 para tumabla kasama ang San Sebastian College at Jose Rizal University para sa ika-lima hanggang ika-pitong pwesto. Ang CSB, Arellano at San Beda University ang nanguna sa torneo na may parehong 8-1 panalo-talo habang mag-isa sa ika-apat na pwesto ang UPHSD na 6-3.
Maagang magkikita muli ang Lady Altas at College of Saint Benilde Lady Blazers, ang dalawang paaralan na nagharap sa semifinals. Ginulat ng UPHSD ang numero unong CSB at tinalo sila ng dalawang sunod na beses para mabalewala ang twice-to-beat advantage.
Malaking bagay ang pagkawala nina outside spiker Cindy Imbo sa Lady Altas at middle blocker Rachel Anne Austero sa Lady Blazers subalit handa ang kanilang mga naiwang kakampi.
Maliban sa mga kababaihan, maglalaro rin ang Juniors at Seniors ng Lyceum at Arellano simula 8:00 a.m. Tampok din ang unang laro ng defending champion ng Juniors and Seniors UPHSD kontra La Salle Green Hills at CSB simula ng 3:30 ng hapon. Mga laro ngayong Biyernes – FilOil Flying V Centre 8:00 LPU-Cavite vs. Arellano (Jrs) 9:30 Lyceum vs. Arellano (M) 11:00 Pambungad na palabas 12:00 Lyceum vs. Arellano (W) 2:00 UPHSD vs. CSB (W) 3:30 UPHSD vs. CSB (M) 5:00 UPHSD vs. LSGH (Jrs)





Comments