top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sinasaktan at ini-stalk ng ex, may ‘K’ humingi ng protection order sa barangay o korte

Persida Acosta
Jan 9, 2020
2 min read

Dear Chief Acosta, Palagi akong sinasaktan ng live-in partner ko, lalo na kapag nalalasing siya. Madalas din ang pag-aaway namin dahil napakaseloso niya. Dahil hindi ko na matiis ang ugali niya ay nagpasya akong hiwalayan na siya at bumalik na lang ako sa aking mga magulang.

Sa paglagi ko sa bahay ng mga magulang ko, napansin kong mayroong kotse na naka-park malapit sa aming bahay, tatlong beses siguro isang linggo.

Hindi ako nagkakamali na ang kotseng ‘yun ay kotse ng amo ng aking live-in partner. Natatakot ako na baka may binabalak siyang masama laban sa akin.

Ano ba ang dapat kong gawin? Sana ay mapayuhan ninyo ako.

- Mary Ann

Dear Mary Ann, Ang pananakit na pisikal sa babae ay krimen na napapaloob sa Section 5 (a) ng Republic Act (R.A.) No. 9262. Gayundin sa stalking o pagsubaybay/pagmamatyag, pagsunud-sunod sa babae na nagdudulot ng malaking emosyunal o sikolohikal na pagkabalisa sa kanya (Section 5 (h) 1).

Ang probisyon ng batas na ito ay nagsasaad ng ganito:

“SECTION 5. Acts of Violence Against Women and Their Children.- The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts:

(a) Causing physical harm to the woman or her child; Xxx Xxx Xxx (h) Engaging in purposeful, knowing, or reckless conduct, personally or through another, that alarms or causes substantial emotional or psychological distress to the woman or her child. This shall include, but not be limited to, the following acts: “Stalking or following the woman or her child in public or private places; Xxx.”

Nabanggit ninyo sa inyong liham na kayo ay natatakot sa maaaring gawin ng inyong live-in partner. Ibig sabihin, nagkakaroon ng emotional and psychological impact ang pagsunud-sunod sa inyo ng inyong live-in partner. Sa puntong ito at para matigil ang pagsubaybay niya sa inyo, maaari kayong mag-apply ng Barangay Protection Order (BPO) kung saan kayo nakatira.

Maaari rin kayong mag-file ng temporary protection order/permanent protection order sa regional trial court, metropolitan trial court, municipal trial court, municipal circuit trial court na may hurisdiksiyon sa inyong lugar, ngunit, kung mayroong family court sa inyong lugar, ang aplikasyon ay dapat sa family court i-file (Section 10, R.A. No. 9262).

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page