top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

GM’s So at Nakamura sa Online Speed Chess

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 9, 2020
1 min read

Naihanda na ang entablado para sa paghaharap nina Grandmaster Wesley So at GM Hikaru Nakamura kung saan magsasagupa sila para sa korona ng online chess na tinaguriang $50,000 Speed Chess Championships.

Wala pang tiyak na petsa dahil sa hindi pagtatagpo ng libreng araw ng dalawang Super Grandmasters pero kumpirmado na ang muling paghaharap ng dalawa matapos nilang idispatsa ang kanilang magkaibang karibal sa semifinals.

Nagturo ng leksiyon si So, isang 26-taong-gulang na woodpusher mula sa Cavite, kay 6th ranked at Russian GM Vladislav Artemiev sa pamamagitan ng iskor na 17.5 - 11.5 noong semifinals. Isa pang pambato ng Russia si GM Ian Nepomniatchi (no. 4 sa pre-tourney rankings) ang naging biktima ni topseed Nakamura, 17.5 - 14.5.

Nauna rito, naungusan ni So, 10th seed at ngayon ay kumakatawan na sa US, ang Pranses na si GM Maxime Vachier Lagrave (17.0 - 15.0) noong quarterfinals matapos niyang hiniya sa Round-of-16 si GM Shakhriyar Mamedyarov (18.0 - 12.0). Kinasangkapan ng Japanese-American woodpusher ang mga panalo laban kina GM Kryzsyztof Duda ng Poland (15.5 - 11.5) at Russian GM Vladimir Dobrov (27.0 - 8.0) para makaabot sa semifinals.

Sa kasaysayan ng kompetisyon, hindi nawawala sa finals si Nakamura. Segunda siya noong 2017 sa likod ng nagkampeong si GM Magnus Carlsen ng Norway pero namayagpag siya rito noong 2018.

Sa kabilang dako, quarterfinalist lang si So tatlong taon na ang nakararaan pero hindi malayong runner-up siya kay Nakamura (12.5 - 15.5). At kapag nagharap ang dalawa sa championship round, siguradong tangay ni So ang kumpiyansa ng pagiging 2019 FIDE World champion sa Fischer Random Chess kung saan inilampaso niya si Carlsen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page