Ceres Negros, handa na sa Myanmar National League

Sisimulan ng Ceres Negros na tatlong beses na nagkampeon sa Philippines Football League (PFL) ang kanilang 2020 sa pagsabak kontra Shan United na kampeon ng Myanmar National League sa qualifying round ng AFC Champions League ngayong Enero 14 sa Rizal Memorial.
Sisikapin muli ng Busmen na makapasok sa tournament proper sa Pebrero laban sa mga higanteng koponan ng Asya subalit, hindi ito magiging madali.
Bumisita ang Busmen sa pangunguna ni Coach Risto Vidakovic, kapitan Stefan Schrock at Bienvenido Maranon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes, ang pinakaunang pulong ng samahan ngayong taon.
Ginamit din ng Ceres ang pagkakataon na pormal na ipakilala ang kanilang mga bagong pirmang manlalaro na sina Mark Hartmann, Pika Minageshi, Arnie Pasinabo at Joshua Grommen.
Kahit kilala nang mabuti ng Ceres ang mga parating na bisita, inamin ni Coach Vidakovic na tatlong buwan ang naging bakasyon ng koponan buhat noong nagwagi sila sa 2019 PFL Copa Paulino Alcantara noong Nobyembre. Limang beses na nagtapatan ang Ceres at Shan buhat noong 2018 at wagi ang mga Pinoy sa lahat na ito.
Unang tinalo ng Ceres ang Shan sa qualifying round ng 2018 ACL matapos ang penalty shootout. Nagkita sila muli sa 2018 at 2019 AFC Cup at lahat ng apat na laro ay napunta sa Busmen sa pinagsamang iskor na 11-2.
Kung papalarin, magtutungo ang Ceres sa Thailand sa Enero 21 upang labanan ang Port FC tampok ang dating kapitan at Azkals na si Martin Steuble.
Ang mananalo ay tutuloy sa Japan sa Enero 28 kontra FC Tokyo, ang pumangalawa sa 2019 J1 League, para sa karapatan na makapasok sa ACL.
Sakaling mabigo, lalaro pa rin ang Busmen sa 2020 AFC Cup kung saan isa sila sa mga paborito na magkampeon sa ASEAN Zone.
Pagdating ng 2021, pasok agad at hindi na kailangan dumaan ng qualifying ang magiging kampeon ng PFL dahil padadamihin ang mga kalahok sa ACL sa 40 mula sa kasalukuyang 32.
Gaganapin ang mga laro ng Ceres ngayong taon sa Rizal Memorial Stadium at iba pang mga lugar.
Isinara at inaayos ang kanilang tahanan na Panaad Stadium sa Bacolod City bilang paghahanda ng lungsod para sa Palarong Pambansa sa 2021.





Comments