Pampaputi, pampapayat, pills etc. Gamot na nabibili online, deadly! — FDA
- Gina Pleñago
- Jan 8, 2020
- 1 min read

Mahigpit na nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko na iwasan ang pagtangkilik at pagbili ng mga iniaalok na mga medisina online.
Ayon kay Dr. Meliza Guerrero, director ng Department of Health Pharmaceutical Division, mapanganib ang pagbili ng gamot online na hindi awtorisado ng FDA dahil walang katiyakan ang bisa at epekto nito, partikular na ang mga ibinebentang gamot online na umano’y mabisang pampapayat, pampaputi at iba pang uri ng mga gamot na iniaalok sa online selling.
Dagdag pa ni Dr. Guerrero, kailangang makita ng doktor ang nais na uminom ng gamot na tulad ng reducing pills at mga produktong umano’y mabisa para sa pagpapaganda. Diin ng manggagamot, maraming uri ng gamot na nabibili lamang online ang mapaganib sa kalusugan ng gagamit nito dahil wala naman mga pharmaceutical o doktor ang mga nagbebenta online ng iba’t ibang uri ng mga gamot na hindi batid kung saan galing kundi man ay ang uri ng paggawa nito.
Marami na umanong namamatay sa pag-inom ng gamot na hindi inirereseta ng doktor na pawang karamihan ay nabibili online.
Binigyang-linaw ni Dr. Guerrero na dapat na ang pasyenteng iinom ng gamot ay kailangan munang maeksamin ng doktor upang mabigyan ng tamang dosage at uri ng gamot na kinakailangan nito.
Payo ni Dr. Guerrero sa mga consumer na huwag tangkilikin ang mga ibinebentang gamot online dahil wala itong permiso mula sa FDA at hindi tiyak ang kalidad ng mabibiling gamot sa online.




Comments