top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Inirereklamo sa pasahe, safety vests etc. Angkas, tagilid ma-banned — LTFRB

  • V. Reyes
  • Jan 8, 2020
  • 2 min read

Delikadong ma-blacklist ang motorcycle taxi app na Angkas dahil sa umano’y malinaw at matinding paglabag nito sa mga regulasyon tungkol sa test run ng kanilang serbisyo.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board member Antonio Gardiola, na siya ring chairman ng technical working group (TWG) na nag-aaral sa pangangailangang gawing legal ang mga motorsiklo bilang public transport, may mga natatanggap silang beripikadong ulat na nilabag ng Angkas.

Kabilang umano rito ang mga panuntunan tungkol sa tamang pricing surge o biglang pagtaas ng pasahe, wastong paggamit ng safety vests at pagbiyahe sa labas ng lugar na pinapayagan ang kanilang operasyon.

Sakop ng pilot test ng mga motorcycle taxi ang Metro Manila at Cebu subalit, lumabas sa paunang imbestigasyon na mayroon na rin aniyang serbisyo ang Angkas sa General Santos City at Cagayan de Oro City.

Bagama’t, pupuwede pang mag-operate ang Angkas hanggang sa matapos ang pilot run o hanggang Marso, sinabi ni Gardiola na maaaring maging blacklisted na ito o hindi na mabibigyan ng lisensiya sakaling tuluyang mapahintulutan ang motorcycle taxi service sa bansa at may mailalatag nang malinaw na mga regulasyon.

Sinabi naman ni Department of Transportation Road Safety Consultant Alberto Suansing, Jr., na maituturing na “bully” ang Angkas na tila sinusubukan ang gobyerno. Aabot umano sa 27,000 ang riders ng Angkas na unang sumalang sa pilot test hanggang noong Disyembre ng nakaraang taon.

Nang mapayagan ang pagpapalawig ng test run hanggang Marso ay binuksan na rin sa iba pang kumpanya tulad ng JoyRide at Move It ang nasabing serbisyo.

Inaasahang sa Abril 15 na isusumite ng TWG sa Kongreso ang kanilang mga rekomendasyon tungkol sa kung magiging legal nang uri ng transportasyon ang mga motorsiklo na ipinagbabawal sa batas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page