top of page

Buong mundo vs. problema sa plastic, good job!

  • Bong Revilla
  • Jan 8, 2020
  • 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Balik-trabaho na tayo at isa sa mga naiwan nating trabaho ay ang problema sa plastic na isa sa mga nangungunang dapat iresolba dahil habang lumilipas ang panahon ay patuloy ang paglala nito.

Madalas nababanggit ang Pilipinas sa mga ulat ng plastic pollution sa buong mundo matapos matuklasan na tayo ang top three producer ng plastic wastes na itinatapon sa karagatan.

Imagine, buong mundo ang nagrereklamo laban sa pagkakalat natin sa mga karagatan kasunod ng mga bansang China at Indonesia ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili itong reklamo.

Ngunit kakaiba naman ito sa ulat na inilabas ng global coalition na Break Free from Plastics na ang tunay na salarin ng malaking plastic pollution sa Asia ay ang multinational companies ng Europe at United States.

Ito ay dahil sa pangunguna ng mass producers ng mga inumin at food products, gamot, personal health aids at sigarilyo na ikinakalat umano sa 51 bansa at 43 porsiyento ng mga nakokolektang basura ay may tatak ng malalaking consumer brands.

Lumalabas sa ulat ng coalition na 9 porsiyento lamang ng lahat ng plastic produced mula noong 1950 ang talagang nare-recycle at ang single-use sachets na ginagamit sa pagbebenta ng mga shampoo sa Southeast Asia ang nakikitang pinakadelikadong klase ng plastic packaging.

May positibong ulat nang maglabas ng public commitment ang mga kumpanyang pinangalanan sa ulat ng coalition na babawasan na nila ang plastic waste at palalakasin ang recycling.

Buo ang pangako ng mga beverage giants tulad ng Coca Cola, PepsiCo at Nestle na ang lahat ng packaging ng kanilang produkto ay gagawing recyclable, reusable at compostable pero ito ay sa pagsapit pa ng 2025.

May ilang kumpanya rin na nagpahayag na ng kanilang suporta sa pamamagitan ng pagbabawas at kalaunan ay tuluyan nang aalisin ang plastic waste nila na malaking tulong kung matutupad.

Nakakatuwa rin ang pagsisikap ng ilang scientific research na makahanap ng ilang paraan para maka-develop ng mga alternatibong materyales at sistema para ma-convert ang plastic sa fuel o energy.

Ilang kaanib ng Alliance to End Plastic Wastes ang nangakong gagastos ng $1.5 bilyon sa susunod na limang taon para maresolba ang problema sa plastic wastes.

Ngayon ay ginagamit na ang sophisticated incinerators sa Europe at US at sinusunog nila ang 42 porsiyento at 1.25 porsiyento ng kanilang mga basura, ayon sa pagkakasunod, sa halip na itapon ang kanilang plastic wastes sa landfills.

Sa buong Asya, ang China ay hindi rin nagpahuli dahil mayroon na silang 300 waste-to-energy plants na kasalukuyan nang gumagana at kanila nang pinakikinabangan.

Pero sa ating bansa, ipinagbabawal ng batas ang pagsusunog ng mga basura dahil sa problema sa polusyon sa hangin ngunit hindi tayo tumitigil sa pag-aaral para maghanap ng paraan na magagawang enerhiya ang mga basura, kabilang na ang gasification at pyrolysis.

Sana, dumating na ang panahon na madiskubre na natin ang ligtas na paraan para masunog ang basura at maalis na sa Pilipinas ang batas na nagbabawal hinggil dito at hindi na mapuno ang ating mga landfill.

Marami na ang sumusuporta na itigil na ang paggamit ng single-use plastic tulad ng mga food outlets na ayaw na rin sa straw at stirrer kaya magandang simula na ito para sa pagpasok ng taong 2020.

Kaso, ‘yung mga kababayan nating nasa estero, tila walang pakialam dahil hanggang ngayon ay puro plastic pa rin ang nakabara sa kanilang mga drainage.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page