Supply ng shabu, bumaba lang ng 1%.. Drug war ni P-Digong, palpak! — VP Leni
- V. Reyes
- Jan 7, 2020
- 2 min read

Inihayag ni Vice-President Leni Robredo na isang malaking kabiguan ang giyera ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.
Tinukoy ni Robredo ang pagbaba lang ng isang porsiyento ng suplay ng shabu at drug money sa nakalipas na tatlong taon.
Ang 40-pahinang ulat na inilabas ni Robredo mula sa 19-araw na siya ay naupo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs (ICAD) ay ibinatay umano ng bise-presidente ang mga detalye sa record ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Robredo, bagama’t, may tinataya ang PNP na 3,000 kilo ng shabu na nagkakahalagang P25 bilyon ang nakokonsumo kada linggo, nasa 1,344.87 kilo lamang ang nakumpiska ng PDEA noong 2019.
Iniulat naman ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC) na aabot sa P1.4 bilyong halaga ng pinigil na ari-arian ang may kinalaman sa illegal drug trade.
“Kumbaga sa exam, one out of 100 ang score ng gobyerno. Malinaw na malinaw, sa kabila ng dami ng Pilipinong pinatay, isang porsiyento lang ang naipit na suplay ng shabu at pera na may kinalaman sa droga,” ayon kay Robredo
“Failure talaga siya (drug war) dahil ang kampanya laban sa droga, maraming aspeto. Halos lahat ng pondo, ibinuhos sa pagtugis ng small time pushers at users. Nakaligtaan iyong aspeto na kung saan galing ang bulto ng droga na bumibiktima sa kabataan at ating mamamayan,” dagdag pa nito.
Binanggit pa ng opisyal na walang progress report tungkol sa mga sumusukong drug user para matukoy kung nababawasan ang mga gumagamit ng ilegal na droga bilang resulta ng durg war.
Naniniwala pa si Robredo na hindi nakabatay sa scientific formula ang pagtataya ng PDEA na may 4 na milyong drug users sa bansa. Tinataya rin ng PNP na may 1.5 milyong drug users at nasa 1.2 milyon ang sumuko habang mahigit 300,000 ang naaresto.“At kung four million ang drug users, nasaan ang 2.5 million? Hindi rin nila alam doon sa four million kung alin ang drug users or drug pushers. Tapos sinasabi may drug free na mga barangay. Paano nating masasabing drug free drug free ang isang barangay kung walang maayos na datos at hindi natin alam kung nagkaroon ba ng karampatang intervention,” dagdag pa ng opisyal.





Comments