Salisi-in-tandem, mga kumakain sa fastfood ang target

Ngayong 2020, pinaaalalahanan natin ang ating mga ka-BULGAR na mag-ingat kapag pumupunta sa mga fastfood chains dahil kung may riding-in-tandem, meron na ring “salisi-in-tandem” kung saan dalawang suspek — isang babae at isang lalaki — ang nagtutungo rin sa matataong lugar na tulad nito hindi para kumain kundi para sumalisi sa mga gamit ng mga kostumer.
Napag-alaman ng inyong lingkod mula sa mga nakausap nating mga alagad ng batas na raket o modus ng dalawang suspek ang pumasok sa fastfood chain — ang lalaki ang nasa loob ng kainan habang ang babae naman ay naghihintay sa labas kung saan salamin lamang ang namamagitan sa dalawang suspek kaya nagkakasenyasan sila.
Ang lalaking nasa loob ay palinga-linga at nagkukunwaring may kausap sa cellphone. Kapag nakahanap na ito ng target ay unti-unti nitong lalapitan at didikitan ang bag na nakalagay sa likod o sa gilid ng biktima.
Habang abala ang biktima sa pakikipag-usap sa waiter ay sasamantalahin ito ng suspek dahil sa pagkakataong ito ay mawawala ang atensiyon ng biktima sa kanyang gamit.
Habang ginagawa ng suspek ang pagkuha sa bag ng target ay sesenyasan nito ang kasabwat na babae na pumasok para ipasa agad dito ang nakulimbat niya sa biktima, saka agad lalabas ng fastfood chain para tumakas.
Ganyan ang modus ng salisi-in-tandem na sumasalisi sa mga gamit ng mga kumakain sa mga fastfood at restoran. Para sa kaalaman ng lahat at bilang babala na rin, ang lalaking suspek ay tinatayang nasa 40-anyos, malaki ang pangangatawan, may taas na 5’9", kulot ang buhok, medyo maputi, nakasuot ng purontong shorts at t-shirt.
Samantalang, ang babae naman ay nasa 45-anyos, kulot ang buhok na hanggang balikat, may katabaan, mga 5’0" ang height, nakasalamin, nakasuot ng duster na bulaklakin at bilugan ang mukha.
Tandaan, maging mapagmatyag sa mga kainan o saanmang pinupuntahan na maraming tao. Pakiramdaman ang mga pumapasok at ang pinakaimportante ay huwag ninyong ilalayo sa katawan ninyo ang inyong kagamitan dahil baka mabiktima kayo ng salisi-in-tandem na gumagala ngayon. Mag-ingat!
Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments