Player ng NCAA indoor volleyball, sinibak

Limang araw bago magsimula ang aksiyon sa NCAA indoor volleyball, sinibak ng reigning men’s champion University of Perpetual ang kanilang ace player na si Joebert Almodiel.
Tinanggal ng mga opisyal ng Altas ang reigning league back-to-back MVP dahil sa umano’y hindi magandang inasal nito.
Base sa salaysay ng isang insider, mabigat ang ginawang paglabag ni Almodiel sa house rules na pinaiiral sa Athletes Dorm ng unibersidad kung kaya inalis na ito upang hindi na pamarisan pa ng ibang mga atleta.
Bukod dito, maugong din ang usap-usapang gustong lumipat ni Almodiel at may kumontak na rito upang maglaro para sa University of the Philippines sa UAAP.
Gayunman ay walang anumang kumpirmasyon o pagtanggi na ginawa ang pamunuan ng Perpetual habang hindi rin mahagilap si Almodiel para makuha ang kanyang panig.
Sa Sabado na magsisimula ang NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan kung saan target ng Altas ang 3 -peat at ika-12 pangkalahatang men’s title.
Sa inilabas nilang official line up sa kanilang social media account, wala ang pangalan ni Almodiel sa roster ng Altas men’s volleyball team.
Sa pagkakatanggal kay Almodiel, inaasahang mag-i-step-up upang punuan ang kanyang nabakanteng posisyon ang mga naiwan niyang teammates na sina Louie Ramirez , Awie Abdulla, Ronniel Rosales, Jeric Atentar, EJ Casana, JC Enarciso at Ridzuan Muhali.
Inaasahan ding magdi-deliver para sa team ni coach Sammy Acaylar ang kanilang pambatong rookie na si last year’s high school MVP Hero Austria.





Comments