Disiplina at pagsunod sa batas-trapiko, dapat ituro sa mga estudyante
- Kuya Win Gatchalian
- Jan 7, 2020
- 2 min read

Pagdating sa usaping trapiko, hindi lusot ang mga mag-aaral d’yan. Tulad ng kanilang mga magulang na pumapasok sa trabaho, halos araw-araw din silang bumibiyahe papuntang eskuwelahan.
Dahil sa buhul-buhol na daloy ng trapiko, tagal ng biyahe o pahirapang pagkuha ng bakanteng pampublikong sasakyan, labis na apektado rin ang mga bata sa kanilang productivity pagdating sa klase.
Tayong lahat ay humaharap sa iba’t ibang problemang panlansangan dahil na rin sa kawalan ng disiplina at kakulangan sa angkop na impormasyon ng mga tao pagdating sa trapiko.
Base sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ang kakulangan ng disiplina ng mamamayan ang pangunahing dahilan ng matinding trapiko sa ating bansa.
Karaniwan tayong nakakakita ng mga pasaway na drayber, jaywalker, nagtitinda sa kalsada at dumaraming kolorum na sasakyan.
Idagdag pa rito ang illegal parking, mga bus, jeepney o tricycle na gumagawa ng sariling terminal, ang mga pabayang motorsiklong humaharurot sa kalsada at maging ang mga motorsiklong nahahagip ng ibang mga sasakyan.
Ilan lamang ito sa mga dahilan kaya bumabagal ang daloy ng trapiko. Isama pa natin ang lumolobong bilang ng mga bagong rehistradong sasakyan taun-taon.
Isa tayo sa mga nagtutulak ng panukalang-batas upang mawakasan na ang nakaaalarmang pagsubok na ito sa atin.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 725 o National Traffic Enforcement and Management Act, matutulungan ang mga traffic enforcer upang lumawak pa ang kanilang pormal na pagsasanay at kaalaman sa kanilang pangangasiwa at pamamahala lalo na kung tungkol sa kaligtasan ng mga motorista, aksidente sa daan, imbestigasyon, driver’s training, post-accident management at pang-unawa sa mga paglabag sa batas-trapiko at kaukulang parusa.
Magbubuo ng National Traffic Enforcement and Management Center (NTEMC) bilang training center na responsable sa pagtuturo sa publiko ng wastong pagsunod sa batas-trapiko.
Lahat ng mga sasailalim dito ay daraan sa mga pagsasanay upang matukoy ang mga sanhi at resulta ng mga aksidente sa daan.
Dapat ding isama ang road safety education sa mga paaralan bilang paghahanda para sa mga estudyante, lalo na ang mga nasa legal age at marunong nang magmaneho.
Ito ay para sa kanilang kaalaman tulad ng mga dapat sundin na tuntunin, tungkulin at mga nakaabang na parusa o penalty na may kaugnayan sa trapiko at pagmamaneho.
Mahalagang habang maaga pa ay maibahagi na ang wastong disiplina at pag-iingat sa daan upang madala ito ng kabataan hanggang sa kanilang paglaki. At ang mas mainam pa, maibabahagi rin nila ito sa susunod pang henerasyon.
Tulad ng palaging naririnig natin sa ating mga magulang at ibang nakatatanda — dapat magsimula sa sarili ang tamang disiplina.
Kung nasa ibang bansa ay sumusunod tayo sa kanilang mga patakaran dahil sa takot na maparusahan, lalo namang dapat tayong sumunod sa mga alituntunin sa ating bansa.
Malaki ang kahalagahan ng pagtuturo ng disiplina sa daan dahil bahagi na ito ng pang-araw-araw na buhay nating mga Pinoy.
Kung mapagtitibay natin ang disiplina sa bawat kabataan, tiyak ang malaking pagbabago sa susunod na henerasyon at siguradong makakamit ang kaayusan sa ating lipunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments