Aquarium na may 7 goldfish at 1 itim na isda, pampasuwerte sa karinderya
Dear Maestro, May tindahan ako ng pagkain, meryenda at pangtanghalian sa tabi ng isang eskuwelahan sa aming lugar. Dati ay malakas ito, pero ngayon ay paubos na ang puhunan ko dahil dito lang kami umaasa ng aking pamilya sa pang-araw-araw naming pangangailangan. Itatanong ko lang kung muli ba naming mapalalakas ang benta ng aming karinderya? Kung muli namin itong mapalalakas, sa paanong paraan? July 16, 1973 ang birthday ko at sana ay mabigyan n’yo rin ako ng masusuwerteng numero na dapat kong tayaan sa lotto.
Umaasa, Merlyn ng Burgos, Lopez, Quezon
Dear Merlyn, Ayon sa zodiac sign mong Cancer, sa birth date na 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) at sa destiny number na nagkataong 7 din (7+16+1973=1996/ 19+96=115/ 11+5=16/ 1+6=7), buwenas ka sa kulay berde at dilaw, habang ang mapalad mo namang pang-display sa iyong tindahan upang maakit ang suwerte at magandang kapalaran sa aspetong pangmateryal na bagay ay ang aquarium na may walong isda. Pitong gold fish at isang itim, puwede rin ang kabaligtaran nito o pitong itim na isda at isang gold fish. Sa ganyang pang-display, susuwertehin na ang iyong karinderya, lalakas ang benta at daraming muli ang iyong mga suki at benta.
Moon ang ruling planet ng iyong zodiac sign kaya kapag nakakita ka ng buwan sa umaga, ‘yun ang palatandaang susuwertehin ka. Puwede ring maghanap ka ng painting o larawan na may moon at ito ang ipang-display mo sa dingding ng inyong tindahan. Dagdag pa rito, mapalad ka rin sa tuwing panahong pabilog at full moon.
Iigting naman ang iyong mabuting kapalaran sa aspetong pampinansiyal tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Lunes, Linggo at Sabado.
Bukod sa sarili mong numerong 7 at lahat ng numerong may sumatutal na 7, 2 at 1, mapalad ka rin sa mga numerong may otso (8) at kuwatro (4) tulad ng 18, 28, 38, 14, 24, 34 at iba pang kauri nito.
Sa sandaling nasunod mo ang mga mungkahi sa itaas, tiyak ang magaganap, tatama ka ng malaking halaga sa isang pakikipagsapalaran ngayong taong 2020 hanggang 2021, sa edad mong 47 pataas at sa nasabing magandang kapalaran, dito na rin magsisimula ang tuluy-tuloy pang pag-asenso ng inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na rin kayong yumaman.




Comments