Target na next SEAG Gold: Mas palalakasin ang Kurash

Aminado si Philippine Kurash Sports Federation Inc. (PKSFI) president Roland Llamas na may mga pagbabagong magaganap sa kanilang koponan lalo na ang ilang pagsasaayos sa kabuuan nito.
Ilang aksiyon ang nais isagawa ng 67-anyos na si Llamas para sa asosasyon na kamakailan lang ay pormal ng natanggap bilang bagong National Sports Association (NSAs) ng Philippine Olympic Committee (POC), samantalang hinihintay na lang nito na ma-accredit ang players ng Philippine Sports Commission (PSC) upang mabigyan ng sapat na kinakailangan bilang pambansang atleta.
Sinabi rin ng dating National Judo team head coach na bahagyang nangapa ang kanilang koponan sa ilang rulings sa nakalipas na 30th SEAG sa bansa dahil lahat ng mga manlalaro nito ay nagmula sa iba’t ibang sports gaya ng Judo, Jiujitsu at Sambo.
“We need to arrange everything starting from the line up, up to the accreditation of the PSC and then we’ll see after that,” pahayag ni Llamas sa panayam ng BULGAR hinggil sa mga sunod na hakbang nito. “As far as we’re concern, we also need to understand the rules of the sport. Marami kasi sa players ang nangapa. Siyempre bago lang kami kaya iyong mga atleta natin galing sa ibang sports, but this time it will be smoother and much better,” dagdag nito.
Hindi man natupad ang inaasahan nitong target na medalya sa biennial meet ay hindi pa rin nagawang madismaya ng dating National at International champion athlete, bagkus ay isa umano itong motibasyon sa kanila para mas lalo pang pagtibayin ang pagbuo ng koponan sa susunod na 31st edisyon sa Vietnam sa 2021.
“Ganun talaga, minsan hindi natin inaasahan iyong ganoong pagkakataon.
Hindi natin inaasahan na hindi mangyayari iyong mga goals natin,” wika ni Llamas sa tatlong gold medal na inaasahan nito. “At least we perform better as expected dahil halos lahat nag-medal naman,” dagdag nito, kung saan humakot ang koponan ng 1 gold, 2 silver at 5 bronze medals.
Inihayag din ni Llamas na magsasagawa sila ng National tournament o selection para kumuha ng bagong players lalo pa’t magiging dalawang manlalaro na per weight category sa susunod na SEAG.





Comments