Saso at Ardina, papalapit sa 2020 Tokyo Olympics

Kumakatok ang mga Pinay parbusters na sina Yuka Saso at Dottie Ardina sa pintuan ng nalalapit na 2020 Tokyo Summer Olympics kung pagbabasehan ang kasalukuyang qualifying list na ipinalabas para sa prestihiyosong kompetisyon na ginaganap lamang tuwing apat na taon.
Animnapung lady golfers ang maaring lumahok sa Tokyo golfest at nasa pang-46 na posisyon si Saso sa listahan dahil sa kasalukuyan niyang 282nd na puwesto sa world rankings samantalang si Ardina naman ay nakaupo sa pang-48 na baytang sa tulong na rin ng kanyang 292nd na inuupuan sa world rankings. Kung makakatuloy ang dalawang Pinay sa Olimpiyada, bitbit nila ang kani-kanyang mga impresibong rekord.
Ang 19-anyos na si Saso ay isang Asian Games double gold medalist at siya ring namayagpag sa 2019 Girls Jr. PGA Championships.
Bukod dito, nagreyna rin ang Fil-Japanese sa 2019 Philippine Ladies Open limang buwan na ang nakararaan. Siya rin ay dating no. 19 amateur golfer sa buong mundo.
Sa kabilang dako, si Ardina, 25-anyos ay kampeon sa US Kids Golf Championships simula 2002 hanggang 2006 at tatlong beses na nagtagumpay sa Callaway World Junior Chamionships (2002, 2006 at 2008).
Sa mundo ng professionals, kuminang siya sa Symmetra Tour kung saan si Ardina ay pumangalawa noong 2018 sa Official Money Tour List bukod pa sa paghablot ng Symmetra Swift Award.
Pero hindi pa sila sigurado sa Olympics dahil base sa tuntunin, ang final ranking sa Hunyo 30, 2020 ang gagawing basehan ng mga Tokyo qualifiers.
Kung sino ang papasok sa top 15 ay swak na sa Olympics pero hindi maaaring sumobra sa apat ang kinatawan ng isang bansa sa unang 15 golfers.
Ang mapapabilang sa pang-16 hanggang pang 60 baytang ay papalo na rin sa Japan subalit hindi na puwedeng lumagpas sa dalawa ang bilang ng mga kinatawan kada bansa kung sila ay nasa 16 - 60 na puwesto.





Comments