Lahat ng abogado, empleyado nagpasaklolo kay P-Digong.. Pagtapyas sa 2020 budget ng PAO, ilegal
- Madel Moratillo
- Jan 6, 2020
- 1 min read

Sumulat na rin ang lahat ng mga abogado at empleyado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa buong bansa kay Pangulong Rodrigo Duterte para hilingin na i-veto ang probisyon ngayong 2020 General Appropriations Bill na nagbabawal sa ahensiya na gamitin ang pondo nito para sa kanilang Forensic Laboratory.
Inaakusahan ng mga ito sina Albay Cong. Edcel Lagman at Iloilo Congw. Janette Garin na nasa likod umano ng pagsusulong ng pagsisingit ng nasabing probisyon sa panukalang pambansang pondo ngayong 2020.
Matatandaang, si Garin, dating Health secretary ay kasama sa mga kinasuhan ng PAO kaugnay sa kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Nakasaad sa liham na unconstitutional ang nasabing probisyon dahil nilabag nito ang nakasaad sa 1987 Constitution hinggil sa due process.
Inihalimbawa nila na kung ang kliyente ng PAO ay isang tauhan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ay maaari silang hindi makakuha ng patas na hustisya.
Kung hindi kasi makakapagpatuloy ang operasyon ng PAO Forensic Laboratory ay sa NBI o PNP sila tatakbo.
Nilabag din umano nito ang Equal Protection clause ng Saligang-Batas dahil bakit ang Forensic Laboratory ng PAO lang ang hinadlangan gayung ang Commission on Human Rights ay may forensics laboratory din.
Mistula umanong na-discriminate ang milyun-milyong mahihirap na kliyente ng PAO.





Comments