top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Krisis sa trapik, doble ngayong 2020!

Ryan B. Sison
Jan 6, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kung may gusto man tayong iwanan sa nakaraang taon, malamang ito ay ang matinding trapik.

Tipong mas marami pang oras ang iginugugol natin sa biyahe kesa sa trabaho o anumang dapat gawin sa labas.

Kaya marami tuloy tayong kababayan na humihiling na masolusyunan na ang trapik sa bansa o kung hindi pa kayang maresolba, kahit mabawasan man lang.

Pero tila wala sa kahit anong hiling ng mga komyuter ang matutupad dahil tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magiging mas mabigat ang trapiko sa buong linggo.

Ito ay dahil magsasabay-sabay ang pagbalik ng mga taga-Maynila na nagbakasyon sa kani-kanilang lalawigan noong Holiday Season.

Ayon sa MMDA, asahan na magiging mabigat ang daloy ng trapiko sa buong linggo, gayundin, back-to-normal ang dami ng mga sasakyan, partikular sa mga kasalda sa Metro Manila.

Batay sa datos ng ahensiya, aabot sa 410,000 ang normal volume ng mga sasakyan sa EDSA habang noong Holiday Season ay bumaba ito sa 100,000 kada araw.

Gayunman, nakahanda ang 2,000 MMDA personnel na muling mamahala sa trapiko at kabilang sa mga choke point ang Old Samson Road sa Balintawak, Quezon City.

Sa araw-araw na pagbiyahe, naging parte na ng buhay ng mga Pinoy ang maipit sa trapik kaya para sa iba, hindi na bago ang mga ganitong eksena, lalo na kapag galing sa bakasyon ang marami nating kababayan.

Magkakaiba rin ang sanhi ng trapik tulad ng mga pasaway na drayber at pasahero, pribadong sasakyan na sumisiksik pa sa linya ng pampublikong sasakyan at mga tauhan ng ahensiya na nadadaan sa ‘lagay’ o kikilos lang ‘pag nagkaaberya na.

Tayo namang mga bibiyahe papasok sa trabaho o paaralan, ‘wag nang magpasaway at ‘pag sinabing bawal, doon na sumakay at bumaba sa tamang sakayan o babaan.

Sa ngayon, wala tayong magagawa kundi tanggapin ang reyalidad na tapos na ang panandaliang ginhawa sa kalsada at sasabak na naman tayo sa nakapapagod na biyahe, pero hindi ito dahilan para maging “nega” dahil puwede tayong makiisa para mabawasan ang trapik kesa maging dagdag-problema pa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page