Bagong tactician ng Blaze Spikers, ipinakilala

Isang dekalibre at beteranong tactician ang bagong magmamando sa koponan ng Petron Blaze Spikers na susubukang magpabalik muli sa lagablab ng laro nito sa Philippine Super Liga (PSL).
Kinumpirma ni long-time head coach at multi-titlist Emil Lontoc ng Lyceum Lady Pirates na siya ang hahalili sa puwestong binakante ni National Team coach Shaq De Los Santos, ngunit, nakatakda pa lamang siyang pumirma ng kontrata sa Martes o Miyerkules.
“Yes, I will take the position,” sambit ni Lontoc sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Pero hindi pa nagpipirmahan, mga Tuesday or Wednesday pa,” dagdag nito.
Matapos ang 33-years na paghawak nito sa University of Santo Tomas, kasunod ang makasaysayang 4-peat sa UAAP at 20-years sa Lyceum, naging sandalan din ang 70-anyos na volleyball tactician ng Philippine National Team sa pagkamit ng huling gold medal ng bansa sa women’s team sa Southeast
Asian Games noong 1993 sa Singapore.
Isa sa rin siya sa naging instrumento sa pagkakapanalo ng bronze medal ng Men’s Volleyball team noong 1991 SEA Games na ginanap sa Pilipinas. “Isang araw may tumawag sa akin mula sa Petron Management na kinukuha nila ako as head coach, then pumayag ako at mag-uusap nga kami within this week,” pahayag ng legendary coach na nakadiskubre sa mga pangalang Tina Salak at Cherry Ann “Sisi” Rondina.
“Pinag-pray ko talaga na sana mabigyan ako ng chance na maipakalat pa lalo iyong kaalaman ko sa volleyball sa bansa,” wika ni Lontoc, na isa ring Pastor sa isang Ministry sa Bacoor Cavite.
Inamin din ni Lontoc na kasalukuyan pa nilang binubuo ang koponan ng Petron matapos magpaaalam ang ilang manlalaro nito kabilang sina Bernadeth Pons, Den-Den Lazaro, Rhea Dimaculangan, Ria Duremdes, Carmela Tunay at maging ang assistant coach nitong si Christian Fernandez. “Wala akong idea kung anong meron, kung bakit nag-resign si Ian (Fernandez) at nag-alisan iyong ibang players.
Kung alam lang daw nila na ako iyong papalit na coach sana hindi raw sila umalis,” wika ni Lontoc na makakasama bilang assistant si Benjie Mape. “Hinahabol pa namin iyong ibang players,” dagdag nito.
Gayunman, sinabi ni Lontoc na mananatili sa kanilang koponan sina Rondina, Frances Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Mary Joy Palma at Mika Reyes, habang kinuha nila ang serbisyo nina Rica Rivera, Adamson spiker Eli Suyod at Filipino-Canadian Rebecca Rivera ng Sta. Lucia Lady Realtors.





Comments