Tamad daw.. Mister, sinilaban ni misis

Nagtamo ng second degree burns sa katawan ang 22-anyos na public utility driver matapos buhusan ng gasolina ng kanyang live-in partner saka sinilaban makaraan ang pagtatalo sa Navotas City.
Ginagamot sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamong sunog sa katawan si Joselito Macabantad, habang tumakas naman ang live-in partner nitong si Rose Marie Lazaro, 27.
Sa report ni PEMSg. Aurelio Galvez kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng dalawa sa Bgy. Tangos South.
Nagalit umano ang biktima matapos akusahan ng ka-live-in partner na tamad matapos hindi nakapagmaneho ng ipinapasadang sasakyan na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Sa mga oras na ‘yun, may hawak na galon ng kalahating litro ng gasolina ang suspek na biglang ibinuhos sa biktima saka sinindihan gamit ang lighter.
Nasaksihan naman ng kapatid ng biktima na si Roberto ang insidente kaya agad nitong binuhusan ng tubig para maapula ang apoy bago dinala ang kapatid sa nasabing pagamutan.





Comments